Dear Atty. Acosta,
MAY PANANAGUTAN po ba ang magulang kung sa halip na pag-aralin ang menor de edad na anak ay binubugaw niya ito sa prostitusyon? May pananagutan po ba ang taong kumukuha ng menor de edad na prostitute para sa kanyang negosyong beer house?
Stan
Dear Stan,
ISA SA mga obligasyon ng magulang ay ang pag-aralin ang kanilang anak. Kaso hindi rin natin kayang kontrolin ang ilang sitwasyon sa buhay sapagkat meron talagang mga taong sadyang lugmok sa kahirapan na hindi kayang pag-aralin ang kanilang mga anak. Wala pong pananagutan ang magulang na hindi kayang pag-aralin o tustusuan ang mga anak sa kanilang pag-aaral sapagkat hindi po isang krimen at kasalanan na maipanganak sa isang mahirap na pamilya. Sa kabilang dako, kapag ang mga magulang ay may kakahayan naman upang pag-aralin ang anak ngunit hindi niya ginagampanan ang kanyang obligasyon, siya ay mananagot sa ating batas sa krimeng indifference of parents. Sa ilalim ng Artikulo 277 ng Revised Penal Code, sa krimeng ito ay pinarurusahan ang mga magulang na nagpapabaya sa kanilang mga anak sa pamamagitan ng hindi pagbibigay ng nararapat na edukasyon ayon sa kakayahan ng pamilya. Ang parusang ipapataw sa magulang na mapapatunayan na nagkasala sa krimeng ito ay pagkakakulong ng isang buwan at isang araw hanggang anim na buwan (arresto mayor) o pagbabayad ng multang hindi hihigit sa limang daan piso (P500.00).
Sa kabilang dako, ang krimeng corruption of minor ang maaaring isampa sa mga magulang na ibinubugaw ang kanilang menor de edad na anak sa prostitusyon. Ayon sa Artikulo 340 ng Revised Penal Code, Corruption of minor is committed by any person who shall promote or facilitate the prostitution or corruption of person underage to satisfy the lust of another. Ang parusa sa krimeng ito ay pagkakakulong rin ng isang buwan at isang araw hanggang anim na buwan (arresto mayor). Samantala ang krimeng white slave trade ang krimeng maaaring isampa laban sa taong nakikinabang o gumagamit sa kanilang negosyo ng isang menor de edad bilang prostitute. Ito ay ayon sa Artikulo 341 ng Revised Penal Code na nagsasaad na “any person who, in any manner or under any pretext, shall engage in the business or shall profit by prostitution or shall enlist the services of any other for the purpose of prostitution shall be liable for white slave trade.” Maaari rin na may paglabag ang nasabing tao sa R.A. 9208 o mas kilala bi-lang “Anti-Trafficking in Persons Act of 2003”, kung saan ay pinarurusahan ang sinumang tatanggap, hihikayat o madadala sa ibang lugar ng isang tao upang maging prostitute. Sa kadahilanang menor de edad pa lamang ang binabanggit mong ibinugaw upang maging prostitute, ang krimen ay qualified trafficking na may kaakibat na parusang habang buhay na pagkabilanggo at pagbabayad ng multa na hindi bababa sa dalawang milyong piso ngunit hindi hihigit sa limang milyong piso (Section 10, R.A. 9208).
Sana ay nasagot namin ang iyong katanungan. Ang payong legal namin ay maaaring mabago kung madadagdagan o mababawasan ang mga nakasaad sa iyong salaysay.
Atorni First
By Atty. Persida Acosta