Dear Atty. Acosta,
NAGSAMPA PO ako noong March 2010 ng kasong Rape laban sa limang kalalakihan dahil sa panggagahasa nila sa aking menor de edad na apo nang tatlong beses sa magkakaibang pagkakataon dito sa Bataan. Ngayon po ay nasa kani-kanilang tahanan ang mga sinampahan ko ng kaso. Wala kaming ibang ebidensyang pinanghahawakan maliban sa testimonya ng aking apo. Saan po ba ako lalapit kung sakaling ibasura ang reklamo ko?
Rany
Dear Rany,
ANG KRIMENG Rape, ayon sa Artikulo 266-A ng Revised Penal Code, ay nagagawa ng isang tao kung makikipagtalik siya sa alinman sa sumusunod: a. Through force, threat or intimidation; b. When the offended party is deprived of reason or otherwise unconscious; c. By means of fraudulent machination or grave abuse of authority; d. When the offended party is under twelve (12) years of age or is demented, even though none of the circumstances above mentioned be present.
Sa iyong kaso, ang reklamong panggagahasa o rape sa iyong apo ay malamang isinampa mo sa Office of the Provincial Prosecutor ng Bataan dahil sa lugar na ito nangyari ang panggagahasa. Marahil nagsampa ka para sa iyong apo ng isang Sinumpaamg Salaysay o Complaint-Affidavit na kalakip ang police report na naglalaman ng salaysay niya tungkol sa nangyaring panggagahasa.
Karaniwan, ang mga isinasampang Sinumpaang Salaysay ay may nakalakip na mga Sinumpaang Salaysay o affidavit ng mga witnesses o saksi (Section 3, Rule 112, Rules of Court). Ang mga salaysay ng mga saksi ay mahalaga upang patibayin ang mga alegasyon sa reklamo. Ngunit may mga krimen na sadyang walang nakakasaksi kung paano ito nangyari. Katulad na lang ng Rape kung saan karaniwan ang biktima lang ang tanging nakakasaksi sa panggagahasang ginawa sa kanya. Sa pagkakataong ito, sapat na ang salaysay ng biktima upang mapagtibay ang reklamo laban sa taong inirereklamo. Kung ang testimonya o salaysay ng biktima ay kapani-paniwala at makatotohanan, maaaring panigan siya ng piskal at irekomenda ang pagsasampa ng kaso kahit pa walang nakalakip sa reklamo na sinumpaang salaysay ng saksi.
Kapag ibinasura naman ng piskal ang reklamo, maaari kang maghain ng motion for reconsideration/ reinvestigation sa Office of the Prosecutor o isang petition for review sa Department of Justice. Kung naghain ka ng isang motion for reconsideration/ reinvestigation at hindi ka pinanigan ng piskal, maaari ka ring maghain ng petition for review sa Department of Justice (2000 NPS Rules on Appeal Section 3, Department Circular No. 70, 3 July 2000). Kakailanganin mo ang gabay ng abogado para rito. Kung wala po kayong pambayad sa pribadong abogado, ay maaari kayong magsadya sa opisina ng Public Attorney’s Office para sa libreng serbisyo sa inyong kaso ay nasa piskalya pa maliban na lamang kung nauna na sa inyo ang mga isinasakdal nyo at naging client na ng PAO.
Sana ay nasagot namin ang iyong katanungan. Ang legal na opinyon namin ay maaaring mabago kung madadagdagan o mababawasan ang mga nakasaad sa iyong salaysay.
Atorni First
By Atty. Persida Acosta