BILANG KASAMA sa itinerary ng Santo Papa, nagkaroon ng Youth Encounter si Pope Francis sa University of Santo Tomas noong ika-18 ng Enero, Linggo. Ito ang kanyang Day 4 ng Papal Visit. Saktong 9:45 ng umaga ay dumating si Pope Francis sa unibersidad at naglakad papasok sa Arch of the Centuries. Sa kultura ng mga Tomasino, ang pagpasok sa nasabing arko ay marka ng pagiging Tomasino. Ginagawa ito tuwing freshmen year. Gaya ni Pope Francis, siya ay lehitimo nang Tomasino. Marami ang natuwa rito dahil ang ating Santo Papa, kahit siya pa ay isang Hesuita, pinaunlakan niya ang pagpasok sa Arch of the Centuries ng mga Dominicano.
Sa mensahe ni Pope Francis sa mga kabataan, sinimulan niya ito nang hikayatin niya ang lahat na manalangin para kay Kristel, isang volunteer na batang-bata rin na yumao dahil nabagsakan siya ng sound system sa Tacloban, Leyte kung saan idinaos ang misa. Nagdasal ang lahat ng Aba Ginoong Maria at Ama Namin.
Matapos niyang makinig sa testimonya nina Leandro Santos II, Rikki Macolor, Jun at Glyzelle, ito ang kanyang naging mensahe sa atin.
Sa testimonya ni Leandro Santos II, isang estudyante ng abogasya, kanyang sinabi ang isyu sa mga bagets, ang world of information. Dahil nga naman sa teknolohiya ngayon, ang laki na ng kapangyarihan mo sa isang click lang. Nagkakaroon na ng information overload sa mga bagets ngayon at talamak na rin ang maraming paraan ng komunikasyon gamit ang teknolohiya. Pero kung mapapansin mo, kailangan ba talaga natin ang lahat ng ito? May panganib ba itong idudulot sa mga bagets? Ang sagot ni Pope Francis ay ito:
“So we run the risk of becoming museums of young people who have everything but not knowing what to do with it. We don’t need young museums but we do need holy young people.”
Masyado na tayong namumuhay sa materyal na mundo na kung minsan mas pinahahalagahan natin ang mga teknolohya, ang mga inpormasyon na nakukuha rito na hindi naman natin alam kung ano ang magagawa rito. Nakalilimutan na ng mga bagets ang magpakabanal. Ani Pope Francis, matutong magmahal dahil ang pagmamahal sa kapwa ay siyang magbibigay bunga sa mga impormasyong nakuha.
Sa testimonya naman ni Rikki Macolor, isang Engineering student na nag-donate ng solar lights sa Tacloban, tinanong siya ni Pope Francis kung siya ba ay nakatanggap na. Sa henerasyon ngayon, marunong lang tayong magbigay pero hindi tayo marunong tumanggap. Ang kulang sa komunidad ngayon ay ang maging dukha. Kinakailangan nating maranasang maging mahirap para tumanggap nang may pagkumbaba.
Pinakanaantig si Pope Francis sa testimonya ni Jun at lalo na sa testimonya ni Glyzelle. Sila ay dating batang kalye. Naantig ang puso ng Santo Papa nang nagbitaw ng katanungan si Glyzelle habang umiiyak: “Bakit hinahayaan ng Diyos ang maranasan namin ito?” Ani Pope Francis, siya lang ang bukod tanging nagbitaw ng katanungan nang walang kasagutan. Dagdag pa niya, sana mas mapaigting ang boses ng mga kababaihan dahil may kakayahan sila tumingin ng sitwasyon sa ibang anggulo. Matuto rin tayong umiyak. Dahil ang mga kabataan ngayon ay hindi na marunong lumuha. At kung hindi tayo marunong umiyak, hindi tayo matutong maging isang mabuting Katoliko.
Mga bagets, nawa’y tumatak sa ating isipan at puso ang mga aral na iniwan ni Pope Francis sa atin. Atin itong gawin at pagyamanin habang buhay.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo