ILANG TAON na rin sa industriya si Mercedes Cabral, pero wala pa nga itong nakakamit na acting award. Akala lang ng ilan sa mga kasamahan sa hanap-buhay ay award-winning na siya dahil magaling siyang aktres, pero “waley” pa nga.
Mga award-winning indie films nga kasi ang mga nilalabasan ni Mercedes the past years, at tuwina ay nano-nominate lamang siya for her performances.
Hanggang sa ayun at “nakasungkit” na rin si Chedeng (her nickname) ng kanyang kauna-unahang Best Actress award recently, sa ongoing na World Premieres Film Festival Philippines ng Film Development Council of the Philippines.
Nag-win si Mercedes para sa An Kubo Sa Kawayanan sa Filipino New Cinema, ang competing section ng 8 Pinoy films, at sinasabi naming ito ang isa sa the best films of Direk Alvin Yapan, maliban sa kanyang Ang Sayaw Ng Dalawang Kaliwang Paa sa Cinemalaya years ago.
Sa awards night ng WPFF noong June 28 sa Centerstage ng SM Mall of Asia, hindi napigilan ni Mercedes ang mapaluha sa kaligayahan.
Sa kanyang FB account, nakaloloka naman ang post nito. Ayon kay Mercedes, meron kasing isang matandang tao noon na hindi siya gusto, dahil sinasabi nitong hindi raw siya (Mercedes) marunong umarte. Ngayong award-winning na siya, ‘pag nagkita raw sila nu’ng lumait sa kanya noon, ipakakain niya ang card ng awards night (posted in her wall) revealing her name as Best Actress.
Ang post ni Mercedes: “To the old hag that didn’t like me because I wasn’t sucking her hagly ass and told me that I can’t act, I’m gonna let you eat this with a gorgeous smile on my face when I see you!”
Ngayong July 7 (Martes) na lang ang last screening date ng mga pelikulang kalahok sa WPFF – foreign man o Pinoy, sa SM Megamall, Manila, North Edsa, Southmall, at Mall of Asia. Para sa screening sked, bisitahin lang ang website ng World Premieres Film Festival na www.wpff.ph.
Ang nagwagi nga palang Best Actor sa FNC section ay si Ruben Maria Soriquez for Of Sinners And Saints, Best Supporting Actor si Rocky Salumbides for Piring, Best Supporting Actress si Giselle Sanchez for Filemon Mamon, Best Picture, Best Cinematography, Best Editing ang An Kubo Sa Kawayanan.
Wagi naman as 2nd Best Picture ang Piring ni Carlos Morales na mas nais na ngayong makilala bilang Craig Woodruff, at win din siya as Best Screenplay (siya ang sumulat ng script). Tatlong foreigners ang nagsilbing jury members.
Ang Three Lies naman na isang Spanish film ang nanalong Best Film sa Main Competition category, tungkol sa mga batang ninanakaw mula sa mga unwed mothers nito. Nag-Best Actress din ang bida sa nasabing pelikula.
Mellow Thoughts
by Mell Navarro