OVER-WHELMING ANG pakiramdam ni Mercedes Cabral nang mapasama siya sa grupo nina Direk Brillante Mendoza, Nora Aunor at Lovi Poe para sa Venice International Film Festival, kung saan kalahok sa main competition ang Thy Womb. “First time kong makapunta sa Venice at ‘yun na ang pinakamagandang lugar na napuntahan ko. Nakita ko ‘yung kung papaano ang acceptance ng mga tao sa pelikula natin. Medyo nakakapagod din ‘yung first three days namin doon kasi nag-stay kami for five days. First 3 days, diretsong trabaho talaga. May time na hindi na kami nakakapag-lunch dahil dire-diretsong trabaho. Wala kang maririnig na complain galing kay Ate Guy,” aniya.
Naiibang character ang ginagampanan ni Mercedes sa nasabing pelikula. Walang daring scene, galing sa pagganap ang ipapakita rito ng sexy star. This time, makikipagtagisan siya ng husay sa pag-arte kina Ate Guy at Lovi. “Nata-type cast ako sa mga ganu’ng role (sexy role). Sa akin, okay lang naman kasi. Ibig sabihin, effective ako sa mga ganoong klaseng characters, ‘yun. ‘Yung role ko rito, iba siya kung iku-kumpara sa mga role na ginawa ko before. Balot na balot ako rito. First time akong makapunta sa Tawi-Tawi, so first mong makikita sa pelikula ang ganda ng Tawi-Tawi. Ipapakita rin dito ang kanilang ritual at culture,” wika niya.
Ano ang nakita ni Direk Brillante kay Mercedes para mapasama siya sa cast? “’Yun nga eh, pang-apat na movie ko na ito kay Brillante. Una ko sa kanya ‘yung ‘Serbis’, pangalawa ‘yung ‘Kinatay’, pangatlo ang ‘Captive’, at pang apat itong ‘Thy Womb’. Sa tingin ko, nakita rin ni Brillante kung paano rin ako magtrabaho bilang actor, na pinagkakatiwalaan niya ako lagi na mabigyan na kahit beat role lang sa mga pelikulang ginagawa niya,” tugon na sagot niya.
Hoping ba naman si Mercedes na bibigyan siya ng solo movie ni Direk Brillante? “Naghihintay rin lang ako. Siguro parang wala pa lang siyang… or hindi ako nagpi-fit du’n sa nabubuo niyang istorya. Ang naibibigay lang niya sa akin ‘yung mga supporting roles. Malaking bagay na ‘yun dahil nakakatrabaho ko siya,” aniya.
Sinabi rin ng dalaga na walang ipinangako ang international director na gagawin siyang bida sa susunod nitong movie project. “Hindi, wala siyang sinabing ganu’n at hindi rin ako umaasa. Naghihintay rin lang ako at ‘yun nga, nagpapasalamat sa mga project na ibinigay niya sa akin. Sa status ngayon ni Direk Brillante, ang dami ring actor na gustong makatrabaho ang isang Brillante Mendoza dahil sa taas at layo din ng nararating niya. Nagpapasalamat ako, pinagkakatiwalan niya ako na bigyan ng ganu’ng role,” paliwanag ng actress.
Naging maganda kaya ang working relationship nina Mercedes at Ate Guy? “Nang unang beses ko siyang nakilala, parang briefing pa lang for the film. Walang script reading si Direk Brillante dahil hindi siya nagbibigay ng script ‘pag nagtratrabaho. So, more on briefing lang ng characters namin. Noong gabing nakilala ko si Ate Guy, sobrang na-starstruck ako. Kasi, hindi ako madalas ma-starstruck. Na-starstruck lang ako sa mga artista na alam kong nirerespeto, alam kong magagaling talaga. Hindi ako makapaniwala na makakatrabaho ko rin si Ms. Nora Aunor. Siyempre, parang hindi ko pa siya kilala that time so, baka hindi ko ito malalapitan or makakausap. Pero noong nasa Tawi-Tawi kami, sobra akong nagulat na napaka-down-to earth. Tao talaga, hindi siya celebrity, hindi siya artista. Nakisama siya talaga sa lahat. Kasi, sa Sitangkay Island kami nag-stay. Isang bahay lang siyang malaki, magkakasama kami sa isang kuwarto. Siguro sa isang kuwarto, anim kaming nagsi-share, sa floor lang. Tapos naka-electric fan lang so, wala kang reklamong maririnig sa kanya. Nakakatuwa na ganoong klaseng artista ang status niya, pero napaka-down-to-earth na tao,” papuring sabi ni Ms. Cabral.
Ikinuwento rin ni Mercedes na nagkaroon sila ng bonding moment ni Ate Guy habang nagsho-shooting . “Yeah, nu’ng nasa Sitangkay Island kami, as in ‘yung mga boat ride namin doon, ganu’n. Nakakatuwa, ang tawag niya sa akin ‘anak’ so, ang sarap pakinggan. Nakakataba ng puso na tawagin kang anak ng isang Superstar, ‘di ba?”
As an actress, maraming natutunan si Mercedes kay Direk Brillante kaya’t buong husay nitong nagagampanan ang bawat character na kanyang pino-portray. “As an actor, ‘yung style niya. ‘Yung real time acting. Kung ano ‘yung natutunan ko du’n, ano ‘yung nakuha ko du’n, ina-apply ko siya sa lahat din ng ginagawa kong pelikula. Basically, acting lang is ‘yun nga 90 percent reaction and 10 percent memorization lang naman ‘yan. Kung magaling din lang ‘yung artistang katrabaho mo, ang daling maghugutan sa isa’t isa. Isang bagay ‘yun at ‘yung mga natutunan ko kay Direk Brillante, nai-apply ko siya lahat except for TV. Iba ang TV acting, nahirapan ako sa TV, ‘yun ang masasabi ko,” sambit pa ng dalaga.
AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield