MARAMING KUWENTO tungkol sa isang alamat (mythology) subalit ito ay nananatiling haka-haka lamang at salin-saling kuwento. Lalo’t noong araw, wala pang masyadong basehan upang patunayan kung hindi mismo nakita ng mga mata. Ayon pa sa mga kuwento ng ating mga ninuno dito sa Pilipinas ay diumano’y nakakakita sila ng sirena o ‘mermaid’, o kaya ‘merman’ o syokoy.
Karamihan dito ay mula sa dalampasigan katulad na lamang sa patungong Quezon Province ay kataka-takang may makikita tayo roon ng estatwa ng sirena. Na diumano’y totoong may nakitang sirena roon. Subalit, ayon pa sa mga salin-saling kuwento, naniniwala silang ito ay isang salot. Kaya, kung nakakikita sila noon ay kanilang itinataboy dahil ‘pag nakakita diumano sila sa kanilang lugar, nagiging taghirap ang kanilang pamumuhay.
Kaya pinaniniwalaan nilang maraming namamatay na mangingisdang lalaki o nalulunod diumano sa kagagawan ng mga sirena o syokoy na dinadala sa kanilang kaharian o kaya’y pinapaslang naman ng mga lalaking syokoy ang mga mangingisdang lalaki.
Kaya, ‘pag nakakikita sila sa mga dalampasigan, agad nila itong ipinagbibigay-alam sa kanilang mga taga-lugar upang paslangin sa galit ng mga tao. Dahil ito ang pinagmumulan ng mga nasabing kaguluhan at mga salot o kaya’y ang mga kalamidad na nangyayari sa kanilang lugar.
Nagkaroon ako ng interes na ipinta ang sirena. Ito ay upang alamin. Ito ay noong makakita ako ng mga pinatuyo o prineserba na diumano’y mga sirena mula sa mga ‘museum’ sa pamamagitan ng Internet na may mga kakaibang anyo: kalahating tao at kalahating isda. Maging sa Youtube video ng National Geographic ay hindi ko pinaligtas upang kunan ng mga ebidensya at mga kuwento mula sa Western side.
Mukhang kakaiba ang itsura at anyo nito. Subalit hindi rin lubos ang mga ebidensiya rito, kaya patuloy akong nanaliksik sa mga libro at Internet upang malaman ko kung talagang may katotohanan ito.
Dahil dito, aking nadesisyunan na iguhit at ipinta ang anyo ng mga pinagsama-samang ‘research at ideas’ at mga imahinasyon upang mabigyan ng hustisya ang nasabing alamat na sirena. Ang masterpiece kong ito ay pinamagatan kong “Philippine Mermaid” at may sukat na 4×7 feet. Bumilang ng maraming taon bago ko ito natapos. Ando’ng nagkaroon pa ito ng mga damage kaya kalaunan ay nai-retouch ito.
Binuo ko ang sirena o mermaid na may mahabang buhok at may gintong kulay. Dahil ito sa paniniwala ko na dahil sa alat at pagbilad sa araw kaya nagkakakulay ito ng ginto. Kung magkulay ng berde ang buhok nito, marahil sa mga lumot sapagkat hindi naman ito nagsusuklay katulad ng tao maliban sa kanilang mga kamay.
Bilugan nang kaunti ang mga mata na mapungay at pasingkit ang ginawa kong obra maestra upang hindi katakutan. Ipinalagay ko na lang na may pagbabagong anyo dahil sa ebolusyon nito. May mga webbed hands at matutulis na kuko dahil maaaring ngatngat ng kanilang mga ngipin na parang sa isda; pagkatapos nito ay kanilang ikinikiskis sa batuhan na parang hinasa at isa rin itong kanilang armas o sandata sa kanilang mga biktima.
Ang kanilang mga bibig ay pinaniniwalaan ko ring tulad ito sa isang isda. Ngunit, upang maging magandang anyo ito, ay dinagdagan ko ng katangiang katulad ng sa tao bagama’t ang kanilang tenga ay medyo matulis. Pero, may hasang sila para magamit sa paghinga. Ang kanilang tiyan ay hindi malalaki dahil ang kanilang kinakain ay mga isda o mga halamang dagat.
Ganoon din ang kanilang kalahating katawan ay katulad sa isang isda. Ipinalagay ko na lamang na may mga kaliskis upang ito ay manatiling suporta sa kanilang kalahating katawan. Ang mga palikpik o pectoral fins ay nasa may siko at ang iba’y nasa kalahating isdang katawan, may tinig na parang huni ng mga balyena o mga dugong o ‘dolphin’ kaya. Ngunit, sila’y may matitining na boses na tila nakae-enchant at umaanyaya sa mga tao na sundan at pakinggan ito.
Ito ang larawan sa canvas ni Maestro Orobia
E-mail: [email protected]
Larawan sa Canvas
By Maestro Orobia