KINUMPIRMA NA nga ng Department of Health (DOH) ang pagpasok ng Middle East Respiratory Syndrome Corona Virus o MERS-CoV dito sa Pilipinas nang isang foreigner ang nag-positibo sa nasabing sakit. Nangyari ito noong Lunes, Hulyo 6.
Ang foreigner na ito ay galing sa Middle East at kasalukuyang naka-confine sa Research Institute for Tropical Medicine sa Muntinlupa City. Ito na ang pangalawang kaso ng MERS-CoV sa bansa. Matatandaang noong Pebrero ngayong taon, isang Pinay nurse ang nagpositibo rito, pero kinalaunan gumaling din siya at naging cleared na sa MERS-Cov matapos ang isang buwang paggagamot.
Ano nga ba ang MERS-CoV? Ayon sa US Centers for Disease Control and Prevention, ito ay isang viral respiratory disease at napapabilang sa coronivirus family. Ito rin ang nagiging sanhi karamihan ng sakit sa mga tao at mga hayop.
Nasasalin o nakakapanghawa ito sa pamamagitan ng mga bodily fluids gaya ng pawis at laway. At ayon rin sa iba pang pananaliksik, puwede ka ring madapuan ng MERS-CoV kung may malapitan kang contact sa mga hayop na mayroon nito.
Ang nasabing sakit din ay hindi basta-basta nade-detect agad dahil ito ay naninirahan sa kailalim-laliman ng ating mga baga. Malalaman mo lang na ikaw ay positibo sa MERS-Cov kung sasailalim ka sa isang mucus test. Dagdag pa nila, apat sa kada sampung MERS-CoV patients ang namamatay. Ganoon na lang kapanganib ang matinding sakit na ito.
Ang MERS-CoV ay unang nakita sa mga tao sa Saudi Arabia taong 2012. Nakita rin ito sa mga tao sa iba pang bansa sa Middle East. Hanggang ngayon, hindi pa rin matukoy ang pinanggalingan ng sakit na ito, pero base sa mga pag-aaral, kanilang nakikita na nanggaling ito sa mga hayop gaya ng camels na sa Middle East nga namumuhay.
Sa Asya, nagkaroon din ito ng outbreak sa South Korea dahil hawak nila ang record ng may pinakamaraming kaso ng MERS-CoV, kung saan humigit-kumulang sa 180 tao na ang infected ng nasabing sakit at 27 katao na ang namatay sa South Korea.
Lahat puwedeng magkaroon ng MERS-CoV, walang ligtas dito kapag nariyan na. Kaya habang wala pa, kinakailangan ng preventive measures dito. Madaling mahahawaan ang mga taong galing ng Arabian peninsula o may contact sa mga taong galing ng Middle East. Kung ikaw rin ay may mahinang immune system, madali ka ring mahahawaan nito. Ang mga tao rin na may pre-existing respiratory illness ay mabilis ding mahahawaan.
Kaya ano pa ang hinihintay ninyo? Kung isa kayo sa mga taong madaling mahawaan ng MERS-CoV, mabutihin na kumilos na at magpatingin sa doktor. Palakasin ang immune system at pangalagaan ang katawan. Gasgas man ang linyang ito, prevention is better than cure pa rin.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo