ANG PROGRAMANG T3, Sagot Kita Kapatid, na napapanood Lunes hanggang Biyernes 5:30-6:00 pm sa TV5 ay sinuspinde ng MTRCB noong Miyerkules. Ito’y suspindido ng 90 days.
Para sa mga ‘di pa nakaaalam sa dahilan sa pagkakasuspinde sa T3, ito ay nagbunsod sa mga binitiwan naming salitang pagbabanta kay Raymart Santiago sa nasabing show matapos kuyugin ng kanyang grupo ang kapatid naming si Mon.
Habang suspindido ang T3, isang news and public affairs show naman ang ipinalit sa timeslot nito – ang Metro Aksyon, na pinangungunahan pa rin naming magkakapatid na Ben, Erwin at ako.
Minarapat ng management ng TV5 na maglagay ng bagong show na pansamantalang kapalit ng T3 upang ‘di maantala ang ibinibigay na serbisyo publiko nito dahil tuluy-tuloy pa rin ang dagsa ng mga tao sa himpilan ng TV5 para humingi ng tulong sa kabila ng MTRCB announcement.
Mayroon nang ipinalabas na official statement ang TV5 tungkol sa pag-aapila ng network sa Court of Appeals sa suspension order ng MTRCB laban sa T3, kaya hindi na ako magkukomento tungkol dito.
Pero isang bagay ang nais kong linawin. Nang magpa-presscon si Grace Poe, Chairperson ng MTRCB noong nakaraang Miyerkules, nasabi niyang hindi man lang daw kami marunong humingi ng sorry. Galit siya nang sabihin niya ito.
Para sa kaalaman ni Ms. Poe, kinabukasan din pagkatapos naming makapagbitaw ng mga salitang hindi angkop sa mga batang manonood, nag-issue kaming tatlong magkakapatid ng public apology sa nasabing show. Ang inyong lingkod ay nag-issue rin ng public apology sa programang WANTED SA RADYO sa Radyo5 sa dalawang magkahiwalay na araw.
Dagdag pa rito, nag-issue rin ako ng public apology sa column ko sa tatlong pahayagan – kasama na ang pahayagang ito noong May 16.
Ginagawa ko ang paglilinaw na ito upang ipabatid kay Ms. Poe na marunong kaming magpakumbaba kung nagkakamali taliwas sa mensahe ng kanyang pananalita sa kanyang press conference noong May 30.
MAY ILANG bagay rin akong nais ipaalala sa butihing Chairperson ng MTRCB. Sana huwag siyang magpadala sa kanyang emosyon tulad ng ginawa naming pagkakamali sa T3 na sa pagkampi namin sa isang kamag-anak nagpadalus-dalos kami.
Para lamang sa kaalaman ni Ms. Poe, ito ay upang magsilbing gabay niya sa mga susunod niyang gagawing desisyon at pananalita sa media, marami nang text messages kaming natanggap mula sa viewers ng T3 na ikinokonek ang pagiging malapit at family friend umano ng yumao niyang amang si FPJ sa yumaong direktor ng pelikula na si Pablo Santiago na ama naman ni Raymart. Si Pablo Santiago raw kasi ang naging direktor sa halos lahat ng mga pelikula ni FPJ.
Sa ngayon, nais kong isipin na hindi pine-personal ng MTRCB kaming magkakapatid dahil sariwa pa rin sa aking
isipan nang minsang mapadalaw ako sa tanggapan ng MTRCB ilang buwan na ang nakararaan at makaharap ang isang grupo ng matataas na opisyales dito.
Sa paghaharap na iyon, makailang beses pinuri ng grupo ang ginagawa naming magkakapatid sa pagtatanggol sa mga inaapi at walang pakundangan na pagbabatikos sa mga mapang-api. Pinuri rin ng ilan sa kanila ang walang pakundangan pakikipagbakbakan namin sa katiwalian bagama’t nagpaalala rin na piliin namin ang mga pananalitang aming gagamitin sa telebisyon.
Although may ilang personalidad na nabatikos sa T3 ang pumapabor sa ginawa ng MTRCB, pero dagsa ang dami ng bilang ng mga taong nagpapaabot ng kanilang pagkakalungkot at pagsuporta sa T3.
Shooting Range
Raffy Tulfo