AKALA SIGURO ng karamihang mga Koreano na nandito sa ating bansa – dahil namamayagpag sa primetime ng mga TV network ang mga teleserye na pinagbibidahan ng mga kalahi nila, sinasamba natin sila kaya mas superior sila kaysa sa atin.
Ang hindi ko maintindihan, bakit marami sa ating mga kababayan ang mas piniling tangkilikin ang mga Korean telenovela at biyayaan ang mga estrangherong ito ng limpak-limpak na salaping kikitain dito sa ating bansa, samantalang maraming mga magagaling tayong artista ang naghihikahos dahil walang makitang trabaho?
Naalala ko tuloy si Gat. Jose Rizal sa kanyang pahayag na, “Ang hindi marunong magmahal sa sariling wika ay higit pa sa isang malansang isda”. Bagamat dina-dub o isinasalin sa wikang Tagalog ang mga Korean telenovelang ito, pero mukha pa rin ng mga Koreano ang makikita mo at hindi mga Pilipino.
Bakit karamihan sa ating mga televiewers, hindi ma-runong tumangkilik sa talento ng ating mga artistang Pilipino? Bakit mas pinili nilang mahalin ang gawa ng mga Koreano kesa gawa ng mga Pilipino?
ITO SIGURO ang dahilan kung bakit marami sa mga Koreano ang abusado rito sa ating bansa dahil nakita nila na wala tayong pagmamalasakit sa kapwa natin – sa mga artistang Pilipino halimbawa.
Dalawang taon ang nakararaan, pinaunlakan ko ang paanyaya ng isang barkada sa Bacolod City. Sa unang gabi ko roon, pumasyal kami sa isang lugar na naghilera ang mga kainan at gimikan. Napansin kong nagkalat ang mga Koreano na karamihan ay kabataan. Marami sa kanila ay mga lasing na at nagkakalat sa mga lansangan, maiingay.
Tinanong ko sa aking kaibigan kung bakit nagsisiga-sigaan ang mga Koreanong iyon. Sinabi niya sa akin na sakit sa ulo raw talaga ang mga ito at sila ang madalas na pinagmumulan ng gulo. Hindi naman daw nagkulang ang kapulisan sa pag-aresto sa kanila pero matapos makapagpiyansa, tuloy pa rin ang kanilang ligaya sa pag-eeskandalo kapag kargado na ng alak.
At noong isang taon nang mapunta ako sa Cebu kasama ang grupo ng TV5 dahil sa launching ng TV5 local station doon, napansin kong mga Koreano pa rin ang naghahari-harian sa ilang mga gimikan doon.
Habang kumakain kami sa isang grill & restaurant, isang gabi, napuna kong dalawang Koreanong lasing ang pumunta sa lamesa ng isang pamilya. Ang pamilyang iyon ay kinabibilangan ng mag-asawa at dalawang magagandang anak nilang dalaga.
Kinukulit ng dalawang Koreano ang dalawang dalaga na animo’y hinihingi ang kanilang mga cellphone numbers. Hindi pinansin ng mga dalaga ang kakulitan ng mga nasabing Koreano hanggang sa sinaway ng padre de pamilya ang mga ito at itinaboy. Pero bago umalis, naghalakhakan sila at nag-apiran sabay nagsisigaw sa kanilang wika na nakakaloko.
NOONG LINGGO naman, kasama ang aking buong pamilya, nag-dinner kami sa isang restaurant sa Glorietta sa Makati. Sa kalapit mesa ay dalawang Koreano. Maiingay sila at halos hindi na kami magkarinigan ng aking asawa. Marahil sila’y mga lasing na dahil sa tigda-dalawang boteng beer na nainom nila. Paglabas nila ng nasabing restaurant, napansin kong pinagtripan nila ang isang dalagang naka-shorts na naglalakad. Pinagtawanan nila ang legs at dibdib ng dalaga sabay muwestra na tila inaasar ang dalaga.
Masakit man, wala tayong magawa at okey lang siguro kung sa kanilang sariling bansa sila’y magsisigasigaan at gawin tayong mga kenkoy. Pero paano kung sa mismong bayan natin ginagawa tayong mga gago ng mga ulupong na ito?
Shooting Range
Raffy Tulfo