Nag-Pasiyam na kay Tito Douglas Quijano nu’ng nakaraang Linggo na ginanap sa Imperial Palace na sponsored ni Mother Lily Monteverde.
Halos lahat na mga alaga ni Tito Dougs ay dumalo. Pero ang napansin namin na absent ay si Wendell Ramos na talagang sobrang apektado sa pagpanaw ng kanyang manager. Si Wendell yata ang isa sa pinaka-dependent kay Tito Dougs kaya hindi nito alam kung ano ang gagawin niya, at kung paano siya magtatrabaho na wala na ang kanyang manager.
Pagkatapos ng pamisa at konting salu-salo sa 9th day ni Tito Dougs, magkakaroon daw uli ng meeting ang lahat na mga alaga nito para ma-finalize na kung sino ang kukunin nilang manager na magha-handle sa kanilang showbiz career.
Aminado si Richard Gomez na talagang mahirap ang kalagayan nila ngayon. Nangangapa raw sila sa kung ano ang susunod nilang gagawin dahil may mga nakalinya silang project na nasimulan na ni Tito Dougs nang pakikipag-deal.
Kung ano man ang napag-usapan nilang mga naiwang alaga, ang gusto raw sana nila ay magkakasama-sama pa rin sila at walang maghihiwalay.
May shortlist na raw sila ng mga talent manager na puwedeng mag-handle sa kanila, pero gaya nang mga una nilang pag-uusap, walang maghihiwalay at dapat magkakasama pa rin sila.
Sa totoo lang, wala pang masasabi sina Goma kung sino itong mga managers ang pagpipilian nila dahil baka hindi naman daw magkakasundo ang lahat. Pero paiiralin daw nila ang demokrasya, na kung sinong manager ang napili ng karamihan, ‘yun na ang kukunin nila.
Ang tanong lang dito, tatanggapin naman kaya silang lahat nitong manager na mapipili nila?
Napaghati-hati na rin ng mga alaga ni Tito Dougs ang abo nito pagkatapos ng cremation nu’ng nakaraang Sabado. Dala nila ang maliliit na urn na naglalaman ng maliit na bahagi ng abo ni Tito Dougs at nandu’n din ang malaking urn para naman sa pamilya nito.
Sabi nga ni Lucy, ngayon lang daw nila na-appreciate ang abo ng isang taong namayapa na, dahil sobrang malapit daw ito sa kanilang puso.
Nu’ng nabubuhay pa raw si Tito Dougs, ginugol nito ang kanyang buhay sa kanilang mga alaga niya. Kaya ngayong wala na siya, dapat ang labi raw nito ay para naman sa naiwan niyang pamilya.
Ang balak nila, dadalhin ang abo ni Tito Dougs sa bahay nito sa Lucban, Quezon. Dahil noon pa man, lagi raw niyang sinasabing doon na niya gustong mag-retire hanggang sa mamatay.
Kaya baka sa 40th day nito, roon daw nila igugunita sa Lucban, dahil tamang-tamang birthday naman ‘yun ni Tito Dougs at 65 years old na sana ito.
by Gorgy’s Park