Mga Anay sa Cavite Police

BILANG PAALALA kay Col. John Bulalacao ang magiting na PNP Provincial Director ng Cavite, ang pa-ngunahing dahilan kung bakit paulit-ulit nating inilalabas ang mga katarantaduhan sa kanyang command ay upang mapangalagaan ang kanyang dignidad, gayundin ang kabuuan ng matitinong pulis na maaaring maisali sa pagdududa dahil sa katarantaduhan ng iilan.

Isang P03 Marlon Garcia ang paulit-ulit na inginu-nguso ng mismong mga pulis-Cavite na siyang “bagman” ni Col. Bulalacao.

Ayon sa ating mga impormante, alam naman nila na itong si Garcia nga ang “bagman” ni Col. Bulalacao o taga-ipon ng mga collection mula sa naglipanang iligal na sugal sa kanilang lalawigan. Ang nakapipikon lang, anila, ay kung bakit paulit-ulit pa itong ipinanga-ngalandakan mismo ni Garcia!

Oo nga naman, Col. Bulalacao, ano nga ba ang dahilan ni Garcia? Para katakutan ng kanyang mga kapwa pulis dahil sa napakalakas nga niya kay Bulalacao?

Para inggitin lang ang kanyang mga kapwa pulis dahil lumalabas na siya ang matatawag na “blessed one” sa buong cuartel?

O gusto lang niyang ipagsigawan sa buong kapulisan na sa pamamagitan niya ay mayroon ngang basbas kay Col. Bulalacao ang illegal gambling operation sa Cavite?

Ano man ang tunay na dahilan ni P03 Garcia ay siya lang ang nakakaalam. Ang nais lamang malaman ng taumbayan mula mismo kay Col. John  Bulalacao ay kung totoo nga bang bagman niya itong si Garcia.

At kung ibig nga bang sabihin nito na may basbas niya ang iligal na sugal sa buong lalawigan ng Cavite!

Pangalawang dadalhin natin sa kaalaman ni Bulalacao ay ang tungkol sa kaso ng isang alyas Ateng, ang babaeng bilanggo sa cuartel (Cavite Provincial Police Office) dahil sa kasong “drug pushing”.

Ang unang itinatanong ng mismong mga pulis ay kung bakit mahigit dalawang taon na ang presong ito pero hindi pa rin ipinalilipat sa BJMP?

Gaano ba talaga kalaki ang pakinabang ng ilang opisyal sa cuartel mula sa preso o pusher na ito, bakit ayaw nilang bitawan gayung ang itinatadhana ng batas ay dapat matagal nang inilipat ito sa BJMP.

Habang nakakulong, si Ateng ay nakabili ng house and lot.

Ewan lang natin, parekoy, kung mula pa rin ito sa kanyang hanapbuhay noon (hanggang ngayon?) na pagtitinda ng iligal na droga.

Maliban d’yan Col. Bulalacao, nakabili rin itong si Ateng ng kotse na sa ngayon ay naririyan at nakatambay lamang sa loob ng cuartel.

Na ayon mismo sa ilang pulis-Cavite, ay sinasakyan ni Ateng sa paglabas nito sa cuartel tuwing gabi patungo sa kanyang house and lot.

Palagay ko Col. Bulalacao, kapag ipinatawag mo si Ateng sa iyong tanggapan at tinanong mo ang iyong Admin Officer ay tiyak na alam mo na kung ano ang nagaganap sa loob ng cuartel.

Sina Ateng at P03 Marlon Garcia ang magpapatunay kung may mga anay nga sa ilalim ng upuan ni Col. Bulalacao.

Maliban lang kung dati na itong alam ni PD at pumapayag rin naman siya!

PAKINGGAN ANG aking programang ALARMA Kinse Trenta sa radio station DZME, 1530kHz, AM band (dulong-kanan ng talapihitan) tuwing alas 6-7 ng umaga, Lunes hanggang Biyernes. Mapapanood rin ito via live streaming sa www.dzme1530.com. Anumang reaction ay ipaabot lamang sa [email protected] o CP No. 09321688734.

Target
ni June Briones
[email protected]
09152121303

Previous articleMga Konsulada – Recruiter Na?
Next articleImpeachment Chop-Chop

No posts to display