ANG TINAGURIANG World’s Parish Priest na si Pope Francis ay may mga mensahe para sa ating lahat na dapat nating isinasabuhay dahil ito ay makatutulong sa ating katauhan at sa ating kapwa. Ang news website dito sa bansa na Rappler ay pinagsama-sama ang mga aral na ibinigay ni Pope Francis sa kanyang Homily araw-araw. Ito ang mga sumusunod:
- Huwag pagtsismisan ang kapwa
Likas na sa mga Pinoy ang pagiging tsismoso at tsismosa. Ayon sa aral ng simbahan, ang pagtsitsismis sa kapwa ay isang uri ng murder. Sabi ni Pope Francis huwag tayong magsasalita ng masama sa kapwa; huwag silang pag-uusapan nang patalikod; huwag maniwala sa mga sabi-sabi; at kung walang magsasalita sa kapwa ay walang dapat katakutan. Dagdag pa ni Pope Francis na kung ginagawa mo ang mga nabanggit, para ka na ring si Judas. At sa tuwing ating hinuhusgahan ang kapwa at papalaganapin pa ‘to sa pamamagitan ng pagtsitsismis, para na rin nating minu-murder ang ating kapwa Kristyano.
- Huwag magtitira ng pagkain sa hapag-kainan
“Ubusin mo ‘yan, maraming nagugutom na mga bata sa labas,” alam kong kabisadung-kabisado n’yo ang linyang ito dahil bata pa lang tayo, nasasabihan na tayo nito ng ating mga magulang. Kahit nga ngayon na malaki at tumanda na tayo, nasasabihan pa rin tayo nito dahil nga magpahanggang ngayon, may iniiwan pa rin tayong tira-tira na pagkain. Hindi na tayo natuto. Ani Pope Francis, ang pagsasayang ng pagkain ay pagnanakaw sa mga mahihirap.
- Huwag maging magastos
Hindi naman kailangan ng mamahaling mga gamit. Imbes na Hermes bag pa ang bilhin mo, bakit hindi na lang bilhin ang mas mura rito? Siguro naman may maganda ka pa rin namang mabibili kahit mas mura. Ano bang pinagkaiba? Sa tatak ng bag? Kung gan’on ang tingin mo, hindi ka naman bumibili ng bag, bumibili ka ng brand, ng social status at ng lifestyle. Ayaw na ayaw ng ating Pope ang pagiging materyalismo. Kinalaunan, mawawalan din naman ng saysay ang lahat ng ‘yan. Mapapalitan din ‘yan ng bago at malalaos din pagtagal. Dagdag pa ni Pope, nagiging basehan na ng kasiyahan ang mga materyal na bagay. Kung ito ay magpapatuloy, kahit kailan hindi tayo makukuntento.
- Makisalamuha sa mga mahihirap
Hindi sapat ang pagbibigay ng mga donation na pagkain, gamit at pera sa mahihirap. Mas mahalaga na maramdaman ng mga mahihirap ang ating presensya. Kailangang mas maramdaman nila na may mga nagmamalasakit sa kanila. Dagdag nga ni Pope, “Charity that does not change the situation of the poor is not enough.”
- Huwag husgahan ang kapwa
Ayaw ni Pope na tayo ang nagbibigay ng hatol sa ating kapwa. Dapat makita at makilala ang isa’t isa sa kanilang kabutihang loob. Kailangan makita natin ang positibo sa kapwa at hindi puro ang negatibo. Dapat nga bantayan natin ang ating sarili, ang ating gawa at ating salita para malayo sa pagiging sakim, sa pagiging madamot at sa pagiging mapagmataas.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo