SILA ANG mga nilalang na matatagpuan sa ibabaw ng bubong at naninilip upang malaman kung gising pa ang mga tao sa bahay. Sila ay umaatake sa gabi habang ang mga may-ari ng bahay ay himbing sa pagtulog o ‘di kaya’y umalis at pumunta sa probinsya dahil sa Undas. Kadalasan ay mapupula ang kanilang mga mata na wari mo’y lulong sa ipinagbabawal na droga.
Magaling silang umakyat sa matataas na lugar gaya ng matarik na bintana, gate at pader ng bahay. Pumapatay sila kung kinakailangan at wala silang pinipiling biktima maging ito’y bata, matanda, babae o mapalalaki man. Uubusin nila ang inyong pinaghirapang ipundar at mga ari-arian. Sila ay mas kilala sa mga tawag na akyat-bahay o magnanakaw. Sila ang mga animo’y aswang na lumiligid-ligid sa gabi at gumagala para sa susunod nilang biktima.
Sa artikulong ito’y pag-uusapan natin ang mga magnanakaw at akyat-bahay gang na sumasalakay sa tuwing sasapit ang panahon ng Undas. Paano sila masasawata at paano natin mabibigyan ng proteksyon ang ating mga tahanan mula sa masasamang nilalang na ito. Anong paghahanda ang dapat nating gawin sa tuwing tayo ay matutulog sa gabi at lalo na kung tayo ay babalik sa ating mga probinsya ngayong Undas?
MAAARI NA nga nating maihambing sa mga aswang ang mga magnanakaw sa gabi at akyat-bahay gang. Mapanganib sila dahil lulong sa droga ang mga ito kaya malakas ang loob nilang gumawa ng krimen. Ang mga aswang sa paborito nating pelikula ay may mga mapupula at nanlilisik na mata. Matatalim ang kanilang mga tingin na nagbabantang handa silang pumatay ng inosente. Gaya rin ng mga akyat-bahay gang na mapula at nanlilisik na mata dahil sa droga at karakter nilang mala-hayop.
Sila ay pumapatay ng tao katulad ng mga aswang. Ang maliit na pagkakaiba lamang ay kinakain ng aswang ang ating mga laman at iniinom ang ating dugo, samantalang hindi laman at dugo o ari-ariang bayolohikal ang kinukuha ng mga magnanakaw sa biktima kundi ari-ariang materyal. Ngunit gaya ng isang mabangis na aswang ay kinukuha rin nila ang buhay ng biktima. Pinapatay nila ito nang walang awang sinasaksak ng matatalim na bagay gaya ng ginawa sa ina ng aktres na si Cherry Pie Picache.
Nagpapanggap din ang mga ito sa umaga bilang isang ordinaryong manggagawa o kadalasa’y kasambahay. Nagpapakita sila ng kabaitan ngunit sa likod ng mabait na pagkataong ito ay isang mabangis na aswang ang nakakubli sa kanila. Naghahanap sila ng tiyempo upang sumalakay at sa oras na ikaw ay nakalingat, umalis sa bahay o nahihimbing sa pagtulog, aatake sila para ikaw ay pagnakawan at patayin.
BUKOD SA pangkaraniwang pagsasara ng mga bintana at pagtatrangka ng mga pinto sa gabi ay mainam din ang pag-aalaga ng aso. Ang mga aso ay may kakayanang makita ang hindi natin nakikita gaya ng sinasabi ng mga matatanda. Nakikita at naaamoy raw nila ang mga aswang. Ngunit bukod dito ay nagbibigay sila ng babala sa pamamagitan ng malalakas nilang kahol sa tuwing ang kahina-hinalang mga magnanakaw ay lumalapit sa ating mga bahay. May pag-aaral na nagsasabing ang mga kadalasang ninanakawang bahay, kung saan siyam hanggang sampu sa kaso ng ninakawang bahay ay walang alagang aso. Ang ibig sabihin ay ang pag-aalaga ng aso ay mabisang deterent o nakapagpipigil sa mga magnanakaw na pagtangkaan ang ating mga bahay.
Mahalaga rin na alamin nating maigi ang pagkatao ng mga pinagkakatiwalaan nating kasambahay. Ang mga kadalasang kaso ng pagnanakaw na nauuwi sa krimeng pagpatay ay may kinalaman sa tinatawag na inside job. Nasasangkot dito ang mga katulong, driver at maging security guard na galing sa mga lehitimong ahensya. Patuloy nating i-monitor ang kanilang pagkatao kahit na nagsimula na silang mamasukan at magpakita ng kabutihang loob dahil marami sa kanila ang magaling magpanggap upang mahulog ang ating loob sa kanila.
ANG ATING kapulisan ay dapat magpakalat ng mga tauhan nila lalo’t pagsapit ng Undas. Ang police visibility kung tawagin ay epektibong deterent factor din para sa mga magnanakaw. Lalo sa gabi ay mainam na maglibut-libot ang patrol car nila sa iba’t ibang lansangan at barangay. Ang seguridad ang isa sa dalawang pangunahing obligasyon ng pamahalaan sa taong bayan, ayon kay John Rawls sa kanyang teoryang libertarianismo. “To protect the people from harm and protect their property,” ito ang pangunahing utos ng libertarian philosophy.
Dapat ding gumawa ng batas na magpapanagot sa mga agency na nagpapadala ng mga security guard, driver at kasambahay na nasasangkot sa nakawan at pagpatay. Naghuhugas-kamay lang kasi ang mga ahensya sa ganitong pangyayari at sasabihing nagpasa ng kumpletong papeles at pagkakakilanlan ang mga salarin ngunit sa huli ay malalamang peke naman ang mga dokumentong ipinasa. Dapat ay magkaroon sila ng karampatang criminal liability rito.
Sa darating na Undas ay tiyak kong maglalabasan at aatake na naman ang marami sa mga masasamang elemento na ito. Dapat magtulungan ang pamahalaan nasyonal at lokal para mapigilan ang kriminalidad na ito. Maging tayo man ay kailangan mag-ingat at maging mapagbantay sa mga nang-aasawang sa ating ari-arian at buhay.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87-88536 at 0917-7-WANTED.
Shooting Range
Raffy Tulfo