KAMAKAILAN, NAPAULAT sa isang television noontime newscast ang tungkol sa daang-daang sakong bigas na nabubulok na sa bodega ng NFA. Ayon sa nasabing report, ang mga bigas na ito ay mga iron mineral mixed rice na inangkat pa noong taong 2008.
Ngunit ‘di ito bumenta sa target na Pinoy consumers kaya natambak lang ito sa bodega ng NFA hanggang sa nag-expire na ngayon. Ibig sabihin, hindi na ito fit for human consumption kaya itatapon na lang. Ang siste, ang halaga ng mga patapong bigas na ito ay umaabot sa mahigit P300 million.
Hindi na bago ang ganitong klaseng pangwawaldas sa ating gobyerno. Minsan na ring napaulat ang tungkol sa milyung-milyong halaga ng mga expired na gamot na natagpuan sa bodega ng Department of Health at hindi na naipamigay sa mga health center at mga iba pang pampublikong pagamutan.
Bakit walang nakakasuhan at nakukulong na mga opisyal sa gobyerno na naging pabaya at sanhi ng pangwawaldas na ito?
Isipin na lang na ilang Pilipino ang namamatay sa gutom dahil sa walang mabiling pagkain o dili kaya’y namamatay sa sakit dahil walang pambili ng gamot. Samantalang ang mga opisyal natin sa gobyerno tulad nitong mga taga-NFA ay walang pag-alintana na nagwawaldas ng pera.
Kung ako ang tatanungin, dapat iwaldas na rin ang buhay ng mga balasubas na ito at ibulok sila sa bilangguan.
DAPAT HUWAG maging balat sibuyas si Pangulong Noynoy sa tuwing nababatikos siya sa media. Dapat magising siya sa katotohanan na tapos na ang tinatawag na honeymoon period niya sa media kung saan ay pinakikisamahan siya ng media sa mga unang ilang buwan lamang pagkatapos niyang manalo sa eleksyon. Ginagawa ito sa lahat ng mga nananalong presidente maging saan mang sulok ng mundo maliban na lang sa bansang komunista o diktadura.
Hindi porke’t mataas ang kanyang trust rating, hindi ibig sabihin na nito ay wala nang mapupuna na kamalian sa kanyang administrasyon sapagkat mataas ang tiwala sa kanya ng mga mamamayan.
Hindi porket ‘di siya kurap, exempted na ang kanyang administrasyon sa pambabatikos. Dapat pakatandaan ni P-Noy na hindi lahat ng miyembro ng kanyang administrasyon ay katulad niya.
Ang hindi nakikita ni P-Noy ay karamihan sa mga batikos na natatanggap niya ay dahil sa kagagawan ng kanyang mga tauhan lalo na iyong mga malalapit sa kanya. Kaya nga nauso ang bansag sa kanyang administrasyon na KKK – Kabarilan, Kaklase at Kababata.
At ang mga alipores niyang ito ay malayang nakakagawa ng mga kalokohan at siya ang napagbubuntungan ng media sapagkat ‘di niya kayang disiplinahin o sibakin.
Makailang beses ko nang sinabi sa espasyong ito na mas makabubuti kay P-Noy na kumuha ng mga tauhan na ‘di niya kilala ngunit kuwalipikado kaysa sa mga miyembro ng kanyang KKK na sa palagay niya ay labis niyang mapagkakatiwalaan pero kulang naman sa kuwalipikasyon.
Ang pinagkaiba ay madali niyang masibak ang una kapag ito ay pumalpak pero ‘di niya kayang basta sibakin ang huli kahit gaano pa man kapalpak ito sapagkat iintindihin niya ang kanyang pagiging malapit dito at matagal nilang pinagsamahan.
Ang inyong lingkod ay napakikinggan sa 92.3FM, Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00pm sa WANTED SA RADYO. Ang WSR ay kasabay na napanonood sa AksyonTV Channel 41.
Ang inyong lingkod ay napanonood din sa T3 Reload sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 5:30 – 6:00pm. Ito ay naka-simulcast din sa AksyonTV. Para sa inyong sumbong, mag-text sa 0917-7WANTED.
Shooting Range
Raffy Tulfo