KUNG PAGBABASEHAN ang sumbong ng pintor na si Victoriano Lapada sa WANTED SA RADYO, sina PO1 Roxanne Valiente at PO2 Arvil Talaba ay mga barumbadong beki. Si Valiente ay isang lalaki bagama’t Roxanne ang kanyang pangalan.
Ayon kay Victoriano, maliban sa kanyang brief, pinaghubo’t hubad daw siya nina Valiente at Talaba para eksaminin ang kanyang buong katawan. Matapos mapintahan ang halos hubo’t hubad na katawan ni Victoriano, pinaghihimas ito ng bugbog ng dalawang beking pulis.
Nag-ugat ang pagpapahubad at pambubugbog kay Victoriano nang pagbintangan siya ni Valiente na nagnakaw ng kanyang cellphone.
Noong August 14, si Victoriano at Valiente ay pawang mga pasahero ng isang jeep sa Taytay, Rizal. Nakaidlip si Valiente. Nang magising ito, hindi na niya mahanap ang kanyang cellphone.
Agad na pinagbintangan ni Valiente ang katabi niyang si Victoriano. Nagkaroon ng pagtatalo sa pagitan ng dalawa hanggang sa nagdesisyon ang drayber ng jeep na ibaba na lang silang pareho.
DINALA NI Valiente si Victoriano sa PNP-Traffic sa Taytay kung saan siya’y nakadestino. Ipinaliwanag ni Victoriano kay Valiente na ilan nang pasahero ang sumakay at bu-maba na naging katabi niya habang siya ay naidlip.
Ngunit walang balak si Valiente na pakinggan ang paliwanag ni Victoriano. Hinalughog niya ang bag na dala nito. Nang walang makita, sunod niyang kinapkapan siya. May nakitang cellphone si Valiente sa bulsa ni Victoriano pero hindi ito ang cellphone na hinahanap niya. Cellphone ito na pag-aari ni Victoriano.
Kinulong ni Valiente si Victoriano habang nakikipag-inuman sa kasamahan niyang si Talaba. Nang malasing na ang dalawa, dinala nila si Victoriano sa isang kuwarto at pilit na pinapaamin na nagnakaw ng cellphone ng pulis.
Hindi nakuntento ang dalawa sa paliwanag ni Victoriano kaya kinasahan ito ng baril ni Valiente sabay itinutok ito sa sintido ni Victoriano.
Binantaan ni Valiente si Victoriano na ipuputok niya ang baril kapag hindi ito umamin. Gayunpaman, umiiyak na si Victoriano sa pagmamakaawa at sinabi niyang hindi talaga siya ang kumuha ng kanyang cellphone. Sa puntong iyon, kinalabit ni Valiente ang gatilyo. Wala palang bala ang baril at panakot lamang pala iyon ni Valiente.
Pero hindi doon nagtapos ang kalbaryo ni Victoriano dahil pinaghubo’t hubad siya ng dalawa maliban lang sa kanyang brief. Nang wala pa ring makita, pinagtripan nila ang halos hubo’t hubad na katawan ni Victoriano at pinaghihimas nila ito ng bugbog.
Matapos bugbugin si Victoriano, pinakawalan din siya ng dalawa pero kinuha muna nila ang kanyang cellphone.
ITINAWAG KO kay Col. Arthur Masungsong, ang Chief of Police (CoP) ng Taytay, ang sumbong ni Victoriano. Na-ngako si Col. Masungsong na ipatatawag niya sina Valiente at Talaba at didisarmahan niya.
Nangako rin ang magiting na CoP na sasampahan niya ng kasong kriminal ang dalawa at kasong administratibo. Iaakyat ni Col. Masungsong ang kasong administratibo sa PNP Provincial Office para mapabilis daw ang proseso.
Si Col. Arthur Masungsong ang isa sa mga opisyal ng PNP na labis ang paghanga ng WANTED SA RADYO noon pa man kaya naniniwala kami na may kahihinatnan ang kaso.
Ang WANTED SA RADYO ay napakikinggan sa 92.3 FM, Radyo5, tuwing Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 PM. Ito ay kasabay din na mapanonood sa Aksyon TV, Channel 41.
Shooting Range
Raffy Tulfo