MUKHANG WALA nang mapili ang GMA 7 na hahalili sa iniwang proyekto ni Kylie Padilla na Pahiram ng Sandali, dahil hindi raw carry ni Kylie ang maiinit na eksenang gagawin nila ni Dingdong na mukang minadali para lang magkaroon si Dingdong ng proyekto at ma-ging kapalit ng Haram na ‘di hamak na mas inaabangan at pinag-isipan.
At sa dami nga ng mga malalaking artista ng GMA 7 na maaaring humalili kay Kylie sa soap mula kina Maxene Magalona, Sarah Lahbati, Bianca King, atbp., ang newbee sa Kapuso Network at napapanood sa Coffee Prince na si Max Collins ang napili ng pamunuan ng GMA 7.
Marami nga ang nagsasabing sugal ito sa GMA 7, dahil ito bale ang kauna-unahang soap na pagbibidahan ni Max kasama sina Dingdong, Lorna Tolentino, Christopher De Leon, Kristoffer Martin, atbp.
Ang tanong? Kagatin kaya ng audience ang tambalan nila? Well, ‘yan ang ating aabangan, kung mahahatak ba paitaas ni Dingdong si Max, o hihilahin pababa ni Max si Dingdong? ‘Yun na!
SOBRANG SIPAG talaga ng isa sa maituturing naming anghel ng press people, sa pagiging sobrang generous nito at suporta sa lahat ng mga manunulat, ito ay ang Public Attorney’s Office Chief Atty. Percida Acosta.
At kahit nga kadarating lang nito galing Amerika, kung saan isa ito sa binigyan ng parangal sa Gawad Amerika, kung saan kasabay nitong pinarangalan sina Sen. Jinggoy Estrada, Manila Vice-Mayor Isko Moreno, Eddie Garcia, atbp., tuluy-tuloy pa rin ang pagtulong nito sa mga Pilipinong humihingi sa kanya ng libreng legal assistant.
Mas lalo ngang napamahal sa masa si Atty. Acosta nang magkaroon ito ng programa sa TV 5, ang Public Atorni, na siyang naging daan para mas marami pang matulungan ito. Matagal nang advocacy ito ni Atty. Acosta kaya marami ang nagsasabi sa kanyang kaya na niyang pasukin ang pulitika. Pero kahit marami ang kumakausap kay Atty. Acosta na tumakbo ito, mukhang wala pa itong balak tumakbo sa ngayon.
DESIDO AT talagang pinaghahandaan na talaga ng Fil/Canadian beauty queen na si Gina Damaso ang audition sa Miss Saigon na gaganapin sa Nov. 19. Ayon nga kay Gina, isa raw sa dream niya ang mapabilang sa mga Pinay na kinilala sa musical play sa Broadway katulad nina Lea Salonga at Monique Wilson.
Kaya naman daw wala siyang ginagawa everyday kundi ang mag-rehearse nang mag-rehearse kumanta at sumayaw, para raw maging handa siya sa araw ng audition. Ilan sa mga awiting niri-rehearse niya ang sikat na kanta sa Miss Saigon na “Sun and Moon”.
Susundin nga raw ni Gina ang mga advice nina Lea at Monique nang ma-interview ang mga ito tungkol sa mga Pinoy na mag-o-audition na kailangan ay maging natural ka at ‘wag maging overacting sa harap ng mga hurado, at ‘wag kabahaan at i-enjoy lang ang audition.
PUMASYAL ANG mga naggagandahang candidates ng Miss Earth 2012 beauty pageant sa malaking planta ng Psalmstre Enterprises, Inc. sa Taytay, Rizal nitong nakaraang Lunes.
Ang Psalmstre ay kilalang gumagawa ng de-kalidad na produktong pampaganda at pampaputi tulad ng New Placenta, Glutamin at Olive C na para naman sa mga kabataan. Bukod sa Pilipinas, mabibili na rin ang mga ito sa abroad tulad ng Middle East, Hong Kong, Singapore, Canada, USA at New Zealand.
“Malaki ang tiwala ko sa Miss Earth Foundation dahil sa kanilang kakaibang advocacy para sa ating kalikasan. Very supportive din ang Carousel Production sa aking kumpanya kaya naman halos taun-taon ay parte ako ng paligsahan nila,” sambit ng President & CEO na si Jim Acosta.
Mapapanood ang Miss Earth 2012 Grand Coronation Night sa Nobyembre 24 ganap na alas-syete ng gabi sa Versailles Palace, Alabang, Muntinlupa.
John’s Point
by John Fontanilla