TUWING NAWAWALAN NG mga mahahalagang gamit ang mga amo – tulad ng mga pera’t alahas, ang palaging napagbibintangan ay ang kanilang mga kasambahay. Ang madalas pa, agad nakukulong ang mga kasambahay kahit walang ebidensiyang nakuha sa kanila.
Ang masaklap, kung minsan kapag minalas-malas ang isang kasambahay at napunta siya sa balasubas na imbestigador, nakakatikim siya ng pambababoy bago makalaboso – pinaghuhubo’t hubad siya para siguruhing hindi nakatago sa kanyang katawan ang mga nawawalang pera’t alahas.
Nangyayari ito dahil una, matapobre ang isang amo. Pangalawa, tumanggap ng suhol mula sa amo ang pulis na nagpadalus-dalos at agad na nagkulong sa kasambahay. At pangatlo, napagsasamantalahan ang pagiging wala o kulang sa pinag-aralan ng kasambahay kung kaya, hindi niya alam ipaglaban ang kanyang mga karapatan.
Sa kabuuan, sila ay mga biktima ng maling akala ng kanilang mga amo. Dahil sila ang pinakapobre sa isang bahay na kanilang pinagtatrabahuhan at tinitirahan, agad na sila ang napag-iisipan ng masama sa tuwing may nawawala.
Ganitung-ganito ang nangyari kay Liza Detera, isang kasambahay sa Batasan Hills, Quezon City na dumulog sa WANTED SA RADYO (WSR) kamakailan. Nang mawalan ang kanyang amo ng mga alahas, bagama’t tatlong taon na siyang nanilbihan dito, siya agad ang pinagbintangan at kinaladkad papuntang presinto para ipakulong. Ito ay sa kabila ng maraming mga tao – na pawang mga kamag-anak ng kanyang amo – ang nakatira rin sa bahay na iyon at mga walang trabaho na puwede ring dapat maisama bilang mga suspek.
Pagkatapos makulong ng mahigit isang oras, bigla na lang tinulungan ng kanyang amo si Liza na mapa-kawalan sa kulungan. At nang makalaya na sa kalaboso, inanyayahan siya ng kanyang amo na muling manilbihan sa kanya. Hindi na pumayag si Liza. Ibig sabihin, natuklasan ng amo ni Liza na wala pala talaga siyang kinalaman sa mga sinasabing nawawalang alahas.
Walong taon na ang nakararaan, nawawala ang isang terno ng mga mamahaling alahas na nagkakahalaga ng 3 million pesos ang aking Chinese millionaire na sister-in-law sa probinsiya. Agad niyang inisip na tinangay ng kanyang kaaalis lamang na kasambahay ang mga alahas. Kinausap pa niya ako noon na baka puwede kong ipa-wanted ang nasabing kasambahay. Hindi ako pumayag dahil wala siyang matibay na pruweba.
At nitong nakaraang Semana Santa, napag-alaman ko nang magsagawa ng paglilinis ang nasabing sister-in-law sa kanyang mga tokador, nakita niya sa bulsa ng isa niyang mga damit, na nakasiksik sa kasuluk-sulukan, ang nasabing mga nawawalang alahas. Doon pa lang niya naalala na itinago niya pala ang mga ito sa damit na iyon nang minsang lumuwas silang mag-anak ng Maynila. Napaiyak siya sa tuwa. Kasabay ng kanyang pag-iyak ay ang pagkakabagabag din ng kanyang konsensiya dahil napag-isipan niya nang masama ang isang walang kamalay-malay na pobreng kasambahay.
Ang WSR ay mapapakinggan sa 92.3 FM, Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00 – 4:00 pm. Ito ay naka-simulcast din sa Aksyon TV Channel 41. Sa mga cable, ang Aksyon TV ay nasa Channel 59 sa SkyCable. Sa Destiny ito ay nasa Channel 7, at Channel 1 naman sa Cignal. Sa Cebu at Davao ang Aksyon TV ay mapapanood sa Channel 29.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0917-7-WANTED.
Shooting Range
Raffy Tulfo