NOONG JUNE 28, Biyenes, muling idinaos ang Gawad Katapatan Award sa studio ng Radyo5, 92.3 FM, sa TV5 Compound, 762 Quirino Highway, San Bartolome, Novaliches, Quezon City.
Ang awarding ceremony ay nasaksihan sa Wanted Sa Radyo sa pamamagitan ng Radyo5 at Aksyon TV Channel 41. Ang mga napagkalooban ng nasabing parangal noong Biyernes ay sampung taxi driver, at sila ay nabibilang sa Batch 9 ng Gawad Katapatan Award simula ng ito ay mailunsad noong Setyembre ng nakaraang taon.
Ang sampung awardee ay sina: (1.) Matias C. Sayson ng PAFC Taxi, nagsoli ng mga bagahe na naglalaman ng mga alahas na nagkakahalaga ng mahigit sa P300,000.00. (2.) Eddie T. Dangase ng Diann & Kelsey Taxi, nagsoli ng iPhone 4 at Coolpad Cellphone. (3.) Joseph D. Estonata ng ABC Taxi, nagsoli ng iPhone 4. (4.) Joselle C. Perater ng JTU Taxi, nagsoli ng Apple iPad Mini at mahahalagang dokumento. (5.) Rudy C. Bordeng Star of Navas Taxi, nagsoli ng bagahe na may lamang Fujitsu laptop. (6.) Ruben B. Cabanilla ng Stealth Transport, nagsoli ng Sony Ericson Xperia Cellphone. (7.)Alex L. Bacolot ng Basic Taxi, nagsoli ng wallet na may lamang P7,200.00 cash. (8.) Servillano G. Dabo ng City Star Cruise Inc., nagsoli ng SKK mobile Android cellphone. (9.) Isagani I. Aplacador ng Ashton Taxi, nagsoli ng wallet na may lamang P5,880.00 cash. At (10.) Christopher U. Baynosa ng Tayaktak Taxi, nagsoli ng Samsung Galaxy Y cellphone.
LABIS ANG pasasalamat at tuwa ng mga may-ari ng nabanggit na mga gamit at pera nang ito ay maibalik sa kanila sa pamamagitan ng Wanted Sa Radyo matapos nilang maiwan ito sa taxi na kanilang sinakyan.
Sa lahat sa kanila, si Rosalie Camposagrado, ang may-ari ng bagaheng naglalaman ng mga alahas, ang abot-langit ang pasasalamat at maiyak-iyak sa sobrang pagkatuwa. Paano ba naman, kapag hindi nasoli sa kanya ang nasabing mga alahas – na pag-aari ng kumpanya na kanyang pinagtatrabahuhan, ikakaltas ang halaga nito sa kanyang suweldo.
Pero lahat sila ay halos hindi makapaniwala na mayroon palang mga taxi driver na dakila ang puso at hindi nagpadala sa tukso sa kabila ng hirap sa buhay. Ang iba nga sa kanila ay hindi na hinangad na maibalik pa ang gamit nilang naiwan sa taxi at idinasal na lamang na iyon ay napunta sana sa taong labis na may pangangailangan.
Magmula nang ilunsad ang Gawad Katapatan Award umabot na sa 97 ang mga awardee. At araw-araw, walang mintis, samu’t saring mga mahahalagang gamit ang isinosoli ng mga taxi driver sa Wanted Sa Radyo para maibalik sa mga may-ari nito.
NAIS KO ring samantalahin ang pagkakataong ito para manawagan sa lahat ng mga nakaiwan ng cellphone, laptop computer, mga bagahe atbp na mangyari lamang ay makipag-ugnayan sa Wanted Sa Radyo Action Center sa teleponong 410-7962.
Sa kasalukuyan, nasa pangangalaga ng WSR ang maraming nabanggit na mga gamit na hanggang ngayon ay nananatiling unclaimed. Baka isa kayo sa mga nagmamay-ari nito.
Pero sa loob ng isang buwan, matapos naming matanggap ang nasabing lost and found items at gawin ang lahat para matukoy ang mga may-ari ngunit hindi kami nagtagumpay, ibinabalik namin ang mga ito sa mga nagsoling taxi driver.
Ang tawag namin dito ay “return to finder”. Bahala na sila kung ano ang gusto nilang gawin sa mga lost and found item na aming ibinalik sa kanila.
Para sa mga gustong magparating ng sumbong o reklamo sa Wanted Sa Radyo, maaari kayong mag-text sa 0908-87-TULFO at 0917-7-WANTED.
Shooting Range
Raffy Tulfo