BUKOD PA sa mga ibang nabanggit noon na mga hindi dapat gawin tuwing “Ghost Month” tulad ng pagkakaroon ng transaction o pag-sign ng contract sa mga business, pag-i-invest na maaaring magresulta sa pagbagsak ng negosyo, pag-launch ng business venture, at pagpapakasal sa buwan ng Agosto na maaaring isumpa ng espiritu ang mga kinakasal at maging miserable ang kanilang pagsasama, narito ang mga karagdagang impormasyon upang tiyak na maiwasan natin ang malas.
Ano pa nga ba ang mga dapat at ‘di dapat natin gawin tuwing buwan ng Agosto o Ghost Month upang makonta ang mga kamalasan? Ito ang mga karagdagan para lalo nating maiwasan ang malas.
- ‘Di dapat natin iniiwang mag-isa ang mga bata dahil maaaring lapitan sila ng mga espiritu. Pero kahit hindi man buwan ng Agosto o ang tinaguriang “Ghost Month” hindi talaga natin dapat iniiwan ang mga bata na mag-isa upang sila ay mabantayan at makaiwas sa aksidente. At dapat ang mga bata ay manatili o makauwi ng bahay bago mag-gabi.
- Iwasan ang mga Outing, lalo na ang pagsu-swimming, dahil ang mga ghost ay uhaw kaya mahilig sila sa matutubig na lugar. Pero kung planado na ang pag-a-outing n’yo, o kayo ay nagsu-swimming na, bago lumubog ang araw o sunset ay tapos na kayong mag-swimming.
- Kung kayo ay nagbabalak mag-travel at kaugnay ang pagsakay sa eroplano o barko, maaari muna nating i-postpone ito upang maiwasan ang aksidente o trahedya sa ating biyahe.
- Huwag pumunta sa mga maruruming lugar dahil maaari n’yong maimbita o maisama sa inyo ang espiritu na gumagala.
- Huwag lumingon kapag may sumitsit o parang may tumatawag sa pangalan mo ‘pag gabi, dahil ito ay isa sa paraan ng mga espiritu para maisahan ka, upang ikaw ay kanilang masaniban.
- Iwasang mag-suot ng mga kulay pula o itim na kasuotan, kahit iwasan mo pa ang maruruming lugar na malas din dahil sa kulay ng iyong kasuotan sila ay na-a-attract, na-aattract ang mga hungry spirits at maaaring sumama sila sa ‘yo.
- Iwasan ang pag-pito o pag-whistle sa gabi at huwag kulayan ang mga kuko ng itim dahil aakalain ng mga espiritu ay isa ka sa kanila.
- Huwag na huwag magkuwento ng mga nakakttakot o tungkol sa mga multo o espiritu dahil maaaring lumabas na naghahamon o tinatawag mo sila kaya tayo ay magbigay-respeto.
Ito ang mga bagay na dapat at hindi natin dapat gawin upang maiwasan o maitaboy ang malas sa buwan ng Agosto na tinaguriang “Ghost Month”. Dapat nating ipagdasal pa rin lalo na sa buwan na ito ang mga kaluluwa ng ating mga mahal na sumakabilang-buhay at tayo ay mag-alay ng pagkain para sa kanila at ipagdasal din natin ang ating mga sarili, pamilya, o kaibigan para sa kaligtasan natin.
Maaaring totoo man o hindi, pero ‘ika nga, tayo pa rin ang naghahawak sa kapalaran natin. Tayo pa rin ang gumagawa ng sarili nating suwerte at malas. Pero mainam na sundin na lamang natin ang tradisyon na ito upang maiwasan ang peligro o malas sa buwang ito.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo