HINDI MAN ‘sing haba ng bakasyon nina Phineas and Ferb ang araw ng walang pasok nating mga Pinoy, solve na solve naman na para sa atin lalo na sa mga bagets ang dalawa hanggang tatlong buwan na bakasyon. Paniguradong kabilaan na naman ang pagpaplano ng mga outing diyan. Nariyan ang family outing, ang school outing, ang barkada outing, ang company outing, at maging solo outing. Kaya kahit paiba-iba pa ang mga taong makakasama mo sa outing. Kahit ba bukas na ‘yan, sa makalawa, o sa isang buwan pa. Hinding-hindi naman magbabago ang listahan ng mga dapat dalhin kada outing.
Anu – ano nga ba ang mga ito?
Proper swimwear
Siyempre, ‘pag sinabing swimming outing, hinding-hindi dapat makalilimutan ang tamang swimming attire. Kung ayaw mong mapagalitan ng mga lifeguard sa resort, mas mabuting sumunod sa kanilang patakaran.
Sunglasses
Dahil tutok na tutok ang sinag ng araw ngayong bakasyon. Siguraduhin na magdala ng sunglasses para proteksyunan ang inyong mga mata sa nakasisilaw na sinag ng araw. Hindi naman lingid sa ating kaalaman ang masamang dulot ng sinag ng araw sa ating mga mata. Dagdag pangporma na rin ito sa inyong summer #OOTD.
Sunblock
Huwag kalilimutan na pagiging tan ang uso ngayong summer at hindi pagiging sunog. Huwag pababayaan at alagaang mabuti ang inyong balat mula sa nakapapasong sikat ng araw. Ugaliing magdala lagi ng sunblock kada outing. Ang may mataas na SPF na sunblock ay mas mainam. Tip lang din, huwag kalimutan na lagyan ng sunblock ang inyong mga tenga dahil ayon sa isang research, ang mga taong mayroong skin cancer ay tinatamaan ng Ultra Violet rays o UV rays sa kanilang mga tenga.
Tubig
Dahil mainit, panatilihiin na laging i-hydrate ang inyong mga katawan. Magdala ng mineral water lagi kahit saan man magpunta. Ito ay makabubuti sa inyong mga katawan para iwas hilo at pagod ngayong summer. ‘Di ba, kapansin-pansin ang taas ng temperature ng lugar natin ngayon? Kaya para hindi magkasakit, ugaliin na uminom lagi ng tubig. Paalala lang po, mineral water ang mga inumin, mga ate at kuya. Hindi mga tubig alat o tubig swimming pool dahil baka mas lalo pa kayong mapahamak kung puro asin at chlorine ang magiging laman ng inyong katawan.
First aid kit
Kahit sabihin pa natin na tayo ay mag-a-outing para sumaya, hindi pa rin natin masasabi kung malayo na tayo sa kapahamakan. Kaya mas mabuting laging mag-ala-boyscout at girlscout na laging handa. Magdala ng first aid kit. Hindi ito pampabigat sa mga dalahin kundi ito ay isa sa mga pinakaimportanteng bitbitin saan ka man magtungo. Hindi lang mga ointment o pampahid sa sugat ang dapat nilalaman ng inyong first aid kit. Samahan n’yo rin ito ng mga tabletang mga gamot para sa mga sakit tulad ng pagkahilo, lagnat at sakit ng tiyan.
Rosaryo
Oo, tama. Kahit outing man ‘yan o hindi. Mararapat lang na may dala kayong rosaryo saan man kayo magpunta. Ugaliin na simulan ang araw sa isang dasal. Ang rosaryo ay siyang magsisilbing ating gabay at proteksyon sa araw-araw.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo