NOONG NAKARAANG Linggo, Setyembre 14, muling umingay ang mundo ng Twitter, mas maingay pa sa mga sigawan at hiyawan ng humigit-kumulang 22,000 katao galing sa walong unibersidad na sumusuporta sa kanilang mga kinatawan sa katatapos lang na UAAP Cheer Dance Competition.
Para bang nanonood ka na rin nang live kapag sumusubaybay ka sa tweets ng mga tao. Baka nga mas piliin mo pang makisali na lang sa Twitter lalo na’t kakaibang saya ang mararanasan mo habang binabasa ang mga tweets.
Paano ba naman, punung-puno ang newsfeed mo ng iba’t ibang klase ng tweets. Nariyan ang mga papuring tweets. Nariyan din ang mga papansing tweets. At mayroon din namang mga panlalait na tweets. Pero ang maganda rito, kahit halos matatawa ka sa pangungutya ng iba sa bawat performance sa Cheer Dance Competition, walang nagkapipikunan. Buong-loob nilang tinatanggap ang mga ito kahit eskuwelahan na nila ang pinatatamaan.
Una sa nagpasikat ang University of the East, napa-wow agad mga tao sa kanilang nagtitingkarang costume. Mala-folk dance ang peg nila. Puwede mo rin ngang masabi na sila ay sumasayaw ng singkil na may halong cheer dance.
Matapos ang UE, Far Eastern University naman ang nagpasikat. Kasilaw-silaw nga naman ang kanilang mga dilaw na kasuotan. Dagdag mo pa ang mala-Chun Li na porma. Ang mga neitizens sa Twitter, nagkakagulo dahil hindi nila malaman ang tema talaga ng FEU. Akala nila Chinese, kaso biglang nagpatugtog ng mala-Hapon na music. Matapos nito, naglabas sila ng hugis payong na may print ng Yin Yang ng Korea. Kaya naman sabi sa Twitter, sinakop na nila ang lahat. ‘Yun pala, dynasty talaga ang tema nila.
Sinundan naman ito ng University of the Philippines, gulat na gulat ang madla sa mga maskuladong katawan ng mga mananayaw maging ang mga babae hindi nagpatalo sa kanilang bruskong pangangatawan. Naging trending ang hashtag na #equaliteam dahil sa tema ng kanilang performance. Paano ba naman, mga lalaki ang binuhat sa kanilang sayaw. Talaga nga namang tumatak ito sa kasaysayan ng CDC. Usap-usapan din na pagkatapos mag-perform ng UP Pep Squad, may mga nag-tweet na tapos na raw ang laban. Alam na kung sino ang champion kahit pangatlo pa lang sila sa mga sumasayaw.
University of Santo Tomas naman ang nagpasikat matapos ang UP, lakas daw maka-#throwback ng feels sa kanilang intro performance dahil inulit nila ang iba sa steps mula sa 2009 performance ng Salinggawi Dance Troupe. Naging trending ang hashtag na #ibalikangkoronasaespaña at #Weresoback dahil nakita talaga ang determinasyon ng UST na makabalik sa Top 3 lalo na’t noong mga nakaraang taon, hindi sila mapalad makamit ito.
Adamson University naman ang sumunod. Kahit nabansagan silang mga underdogs, hindi naman sila nagpatalo dahil sa katunayan pa nga, lumapag sila sa ika-apat na puwesto. ‘Yun nga lang, naging trending sa twitter ang mga sabi-sabi na nakalimutan daw nilang mag-costume at kakulay nila ang mat ng floor. Hindi naman siguro ganoon. Nagkataon lang talaga.
DLSU naman ang nagpakita ng gilas. Sa kalagitnaan ng kanilang performance naging trending ang hashtag na #tinkerbell at #peterpan dahil sa kanilang costume. Umarangkada naman sila dahil may Life Saber at mala-tour sa solar system silang pasabog dahil universe ang kanilang tema.
Next naman ang Ateneo De Manila University na nabansagang consistent sa paninindigan nilang Blue and White na kulay. Mga sailors pala ang kanilang peg pero naging trending ang hashtag na #Popeye.
Siyempre, hindi makukumpleto ang CDC kung wala ang champion na National University. Naging trending si Henry Sy dahil sa galing ng NU, talaga nga naman daw alagang-alaga sila. Sumikat din ang hashtag na #SMAdvantage.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo