0908309xxxx – Kuya Raffy, ako po ay isang driver ng truck. Gusto ko pong humingi ng tulong sa inyo dahil sobra na po ang ginagawa ng mga mobil car dito sa lugar ng Libis. Kapag po dumadaan kami sa lugar na ito at nasulyapan kami ng mga dorobong pulis na ito, hinahabol po kami at pinatitigil. Kunwari po ay aali-aligid sa aming truck at pagkatapos ay hihingi ng pangmeryenda. Sobrang kapal ng mga mukha ng mga pulis na ito. Ang kakarampot na kinikita namin ay binabawasan pa. Kuya, ikaw na lang ang pag-asa namin para masugpo ang mga ito.
0926251xxxx – Mr. Raffy Tulfo, nais ko pong isumbong sa inyo ang isang construction company na aking pinagtatrabahuhan. Kapag po ang kanilang mga empleyado ay nagka-cash advance, ito po ay tinutubuan nila ng sampung porsiyento bawat linggo. At ang masaklap pa po rito, sobra-sobra sa oras ang aming trabaho pero hindi nagbibigay ng overtime pay. At kapag po kami ay nadisgrasya sa oras ng trabaho, wala pong sinasagot ang kumpanyang ito bagkus pinalalabas po nila na nangyari ang aksidente pagkatapos ng trabaho. Wala po kaming magandang inaasahan sa kumpanyang ito. Naglakas-loob po akong magsumbong sa kabila ng kanilang banta na kung sino man ang magsusuplong sa kanila ay hindi na muling makakakuha ng trabaho sa kahit saang construction company. Sinasabi rin po nila na malawak ang kanilang impluwensiya. Kayo na lamang po ang inaasahan namin para magkaroon ng maayos na buhay. Sobra na po ang panggigipit at pang-aabuso sa karapatang pantao ang kanilang ginagawa. Ang kumpanya pong tinutukoy ko ay ang Dumduma Construction and Trading Company. Umaasa po kami kasama ang aming pamilya na mabibigyang-solusyon ang aming hinaing. Maraming maraming salamat po.
0908979xxxx – Idol Raffy, nais ko po sanang paimbestigahan ang mga pulis, MAPSA at security marshalls sa Makati City. Dito po sa lugar ng Buendia corner Paseo de Roxas sa Makati, ang mga nagmamaneho ng motor ay kanilang pinapara at pinatatabi. Natural lang po na kunin nila ang lisensiya pero ang nakakapagtaka ay kailangan pang pasunurin sa kanilang outpost para mag-usap at magpaliwanagan. Maaari naman po sanang mismo sa lugar na tinigilan ng motor sila mag-usap. Sa tingin ko po ay mayroong pagmamalabis na ginagawa ang mga pulis na ito. Sana po ay mabigyan ninyo ng pansin ang bagay na ito.
0932629xxxx – Mr. Tulfo, naniniwala po ako na sa pamamagitan ng inyong programa ay masusugpo ang mga kalokohan ng mga empleyado rito sa city hall ng Mandaluyong City. Ako po ay kumuha ng Postal I.D. noong February 15, Miyerkules. Ang halagang binayaran ko ay P320.00 pero ang nakasulat sa kanilang resibo ay P175.00 lamang. Marami po ang mga nabibiktima ng mga ito. At kung iisipin ay napakalaking halaga ang kanilang nakukurakot sa araw-araw na panlolokong ginagawa nila sa kanilang kapwa. Sana po ay maaksyunan ninyo ang problemang ito.
0999755xxxx – Boss Raffy, isa pong patrol car dito sa lugar ng Caloocan City na mayroong Plate number JSA-274 na palaging nanghahabol ng mga malalaking sasakyan. Kinokotongan kaming mga driver ng isang daang piso bawat isa. Sana po ay maipahatid ninyo sa kanilang pinuno ang kanilang mga maling gawain. More power po sa inyong show.
ANG INYONG mga sumbong ay masosolusyunan sa programang WANTED SA RADYO sa 92.3 News fm at Aksyon TV, Channel 41. Ito ay pansamantala namang mapapakinggan at mapapanood tuwing 12:30-2:00pm, Monday thru Thursday at 2-4pm, Fridays. Babalik ito sa regular na 2-4pm weekdays timeslot pagsapit ng February 27.
Shooting Range
Raffy Tulfo