KARAMIHAN SA MGA batang estudyante sa mga pampublikong paaralan sa lungsod ng Malabon ay pawang lulong sa pagsusugal sa video karera (VK) machine.
Isang nagngangalang Buboy Go, isa umanong pulis na nakatalaga sa Manila Police District (MPD) ang sinasabing promoter at operator ng video karera sa halos lahat ng barangay sa nasabing lungsod.
Sinabi ng ilang mga magulang ng mga mag-aaral na ayaw nang ipabanggit pa ang kani-kaniyang pangalan, kung hindi umano sa isang binansagang “Triple One”, hindi magiging adik sa pagsusugal sa video karera machine ni Go.
Ayon pa sa mga magulang, ang hepe ng Malabon Police Station na si P/Sr. Supt. Cornelio Barios ay wala umanong silbi sa dahilang hindi nito inaaksiyunan ang mga iba’t ibang uri ng sugalan partikular ang operasyon ng VK sa kanyang nasasakupan.
“Lagi na lang umanong natutulog sa kanyang tanggapan si Col. Barios at nagpapalaki lamang ng kanyang tiyan sapagkat hindi ito umaaksiyon kung papaaano niya mapahihinto o masusugpo ang operasyon ng VK,” dagdag pa ng mga magulang.
Dahil dito nananawagan ang mga magulang at concerned citizens kay Triple One na ipatigil na nito ang operasyon ng VK ni Buboy Go na nagsisilbing salot sa mga batang mag-aaral. (ROMAN MAGPOC)