KUNG MAAALALA n’yo, napag-usapan na natin ang mga bagets na hahakbang to the next level ng kanilang buhay, ang kolehiyo. Napagkuwentuhan na rin natin ang mga bagets na kasalukuyang nasa gitna ng kanilang paglalakbay sa kolehiyo. Ang hindi na lang siguro natin napag-uusapan ay ang mga bagets na katatapos lang ng kolehiyo. Sila ‘yung mga kabataan na kalaunan ay hindi na dapat tawaging ‘bagets’ dahil panibagong yugto na ang kanilang haharapin. Sa yugtong ito, tuturuan na silang umako ng responsibilidad sa buhay dahil magtatrabaho na sila upang kumita ng sariling pera. Sila ay ating tatawagin na “feeling bagets”.
Bakit nga ba feeling bagets? Ito ay dahil sa hindi pa rin sila maka-move on sa kanilang buhay-kolehiyo.
Nitong nakaraang araw lamang, isa na namang matinding bagyo ang pumasok sa ating bansa, ang bagyong ito ay pinangalanang Glenda. Akalain mong ang Metro Manila ay nasa signal number 3. Narito pa naman ang karamihan sa mga kolehiyo at unibersidad. Napakalakas nito kaya naman sa mga pagkakataong ito, uso na naman ang pagsuspinde sa mga klase. Ito siguro ang isa sa mga mami-miss ng mga feeling bagets. Dahil sila ay nagtatrabaho na, hindi na sila sakop ng administrasyon ng kanilang paaralan. Kaya naman dapat nilang tanggapin na kung noong kolehiyo, sila ay ‘waterproof’ dahil pinakahuli silang nasususpinde sa mga mag-aaral, sa pagtatrabaho, sila na ay ‘imortal’ dahil malamang sa malamang, may pasok sila kahit gaano pa kalakas ang ulan. May kahigpitan na rin kasi sa pagsuspinde ng pasok lalo na kung pribadong organisasyon ang kanilang pinapasukan.
Ang paghingi ng baon sa magulang ay isa rin sa hindi na dapat gawin ng mga feeling bagets. Normal ito noong nag-aaral pa, pero ngayon hindi na. Ngayon ay may kakayahan ka nang makakuha ng trabaho, ikaw na rin ay may kakayahan kumita ng sariling pera. Isa itong responsibilidad na dapat kaharapin. Ngayon, tapos na ang obligasyon ng iyong magulang na ikaw ay pag-aralin, panahon mo na itong suklian.
Mga feeling bagets, itigil na ang mag-feeling estudyante. Harapin nang buong tapang ang panibagong yugto. Akuin ang isa pang hamon na iyong kakaharapin, ang pag-ako ng matinding responsibildad.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo