ANG PAGKAKABUHUL-BUHOL ng trapiko sa ilang mga kalye sa Metro Manila nitong mga nakaraang Sabado at Linggo ay maisisisi sa ilang hinayupak na opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) dahil ang kanilang bulsa ang nag-iisip para sa kanila at hindi ang kanilang utak.
Nag-aala-Poncio Pilato naman ang DPWH at hugas-kamay ukol dito. Ibinubunton ang sisi sa kanilang road reblocking projects. Pero hindi puwedeng sisihin ang isang bagay na ipinatutupad ng tao. Kaya rito makikita mo na ginagawa tayong animo’y istupido ng mga ito.
Unang-una na, kapansin-pansin na marami sa mga klasadang kasama sa road reblocking nila ay maayos pa. Ang ilan pa nga ay kagagawa lamang nila nang wala pang isang taon ang nakalilipas. Pero pilit pa rin nilang inire-repair.
SIYEMPRE, SA tuwing may proyekto may dinero – na sa linguwahe ni Hudas ay pilak o salapi. Naghahanap ang mga taga-DPWH ng paggagastusan sa kanilang bilyung-bilyong budget na nakukuha nila kada taon para sa kanilang departamento mula sa kaban ng bayan. Kapag hindi kasi nila inubos ang mga salaping ito sa buong taon, kinailangang maibalik sa National Treasury.
Bukod sa taunang budget na nakukuha ng DPWH sa Department of Budget and Management, nakakakuha rin ito ng pera mula sa road users tax ng Road Board. Ito ay iyong mga perang nakokolekta mula sa lahat ng mga nirerehistrong sasakyan.
Kaya kahit maayos pa ang mga kalsada, may inilalaan na agad silang budget para sa repair nito. At iyong talagang dapat na i-repair na, at sa lahat ng mga gagawin nilang pagre-repair, mahinang klaseng materyales lamang ang kanilang gagamitin para ito ay agad na masira at muling mapagpeperahan.
AT PANGALAWA, dapat ang mga proyektong ito ni Hudas a.k.a. road reblocking ay ginagawa sa mga panahong halos walang mga sasakyan ang gumagala sa mga kalye tulad ng Mahal na Araw, Bisperas at mismong araw ng Pasko at Bagong Taon.
O dili kaya sa panahon ng bakasyon na kung saan ay madalang ang mga pribado at pampublikong sasakyan dahil bakasyon ng mga estudyante.
Pero hindi uubra sa mga taga-DPWH ang ganitong sistema sapagkat minsan lang sa isang taon sumapit ang mga ito. Ibig sabihin, hindi sapat ang kanilang “kikitain”. Kinailangang sa isang taon, maraming beses nilang pagkakakitaan ang ating mga lansangan.
Kung puwede nga lang siguro na mag-arkila sila ng mga tambay at rugby boys para manira ng mga kalsada sa hating-gabi ay gagawin nila ito para mapabilis ang kalansing ng kanilang mga bulsa.
PERO WALA na sigurong tatalo pa sa ilang mga opisyal ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Land Transportation Office (LTO). Sila ang hari ng mga hinayupak.
Sa tuwing may okasyon na magbabakasyon sa probinsya ang marami sa ating mga mamamayan tulad ng Undas, makikita mo ang pagmumukha ng mga opisyal ng LTFRB at LTO na sinasadya ang bawat istasyon ng bus para inspeksyunin ang mga papeles nito at siguraduhing nasa maayos na kundisyon ang mga bibiyaheng bus nito.
Siyempre, ginagawa nila ito sapagkat alam nilang maraming mga taga-media ang nasa iba’t ibang istasyon ng mga bus company upang kumuha ng istorya. At siyempre rin, ang mga malalaking bus company na “nag-aabot” na sa kanila ay tinitimbrehan na nila na sila ay pupunta roon para makapaghanda.
At siyempre pa rin, hindi puwedeng wala silang mahuhuling mga bus na may problema sa plaka at pudpod ang mga gulong kaya hindi nila pinayagang makapagbiyahe dahil hindi magkakaroon ng impact ang kanilang pag-iinspeksyon. Sa mga pagkakataon lamang na ito maipapakita man lang nila na sila ay nagtatrabaho.
DITO, MAY pag-uusap na sila sa mga bus company na kanilang pupuntahan. Ang tawag sa modus operandi nilang ito ay “arbor ng pogi”. Ibig sabihin, paarborin sila ng pupuntahan nilang bus company ng isa o dalawang unit ng bus nito na may problema at kanilang naharang, at hindi papayagang makapagbiyahe hangga’t hindi naaayos ang nasabing problema.
Halimbawa dito ay ang pudpod na ang isang gulong ng bus o manipis na ang mga breakpads nito. Dadalhin ang unit na ito ng bus company sa kanilang motorpool para roon agad mapapalitan ang gulong at mga breakpads.
Naayos ang problema, kampante na ang mga bakasyunista at pogi pa ang ahensya. ‘Ika nga nila, “everybody happy”.
KUNG SINESERYOSO lang talaga ng LTFRB at LTO ang kanilang trabaho at hindi nila sinasamahan ng kalokohan, mawawala o dadalang ang mga madidisgrasyang bus sa ating mga lansangan lalo na iyong mga papuntang probinsya.
Sa kaso halimbawa ng Florida bus na nahulog sa bangin sa Bontoc, Mt. Province na ikinamatay ng 17 pasahero kasama na ang komedyanteng si Arvin Jimenez o mas kilala sa screen name na “Tado”, nangyari dahil sa sadyang pagiging inutil at korap ng ilang mga opisyal ng LTFRB at LTO.
Ayon sa imbestigasyon, mali-mali ang mga dokumento nito at pudpod pa ang mga breakpads. Kung ginawa lang sana ng mga kawani ng dalawang ahensyang ito ang regular na pagpunta sa mga bus company at pag-iinspeksyon sa mga bus nito tulad ng ginagawa nila sa panahon ng Undas ay hindi sana nangyari ang malagim na aksidente.
HINDI LANG ito ang unang pagkakataon na may bus ng Florida ang nahulog sa bangin. Noong January 2, 1995, nahulog sa bangin sa Echague, Isabela ang bus ng Florida na may plate number na NYD 326, kung saan 30 ang namatay.
Pero hindi lamang ang mga bus ng Florida ang paulit-ulit na nasasangkot sa mga aksidente kundi pati na rin ang bus ng ibang mga kompanya tulad halimbawa ng Don Mariano, atbp. Bakit pinapayagan pa rin ang mga itong mag-operate?
Kung hindi man mechanical error, ang kadalasang ding dahilan ng aksidente ng mga bus na ito ay human error. Marami sa kanila ang nagsa-Shabu bago magbiyahe. Hindi ko na mabilang ang mga bus driver na personal kong nakausap at umaming sila at ilan pa nilang mga kasamahan ang gumagamit ng droga para hindi antukin.
Kung masinsinan lang sana ang gagawing regular random drug testing ng mga hinayupak na opisyal ng LTFRB at LTO sa mga bus driver na ito bago magbiyahe, maiiwasan ang maraming aksidente.
Para sa inyong mga sumbong, magtext sa 0908-87-TULFO.
Shooting Range
Raffy Tulfo