Mga hudas!

ANG TAXI DRIVER na si Doroteo Bersosa Jr. ay isang kaawa-awang biktima ng panghuhudas ng ilang balasubas na pulis sa Parañaque.

Noong July 30 ng gabi, Sabado, sumakay sa taxi ni Doroteo ang tatlong lasing na Sudanese nationals sa barangay Don Bosco sa Parañaque. Hindi nagkasundo si Doroteo at ang tatlong banyaga sa magiging presyo ng pamasahe nila kaya minarapat na lamang ng tatlo na bumaba ng taxi.

Nang makababa ang mga Sudanese, tumuloy si Doroteo sa isang gas station sa ‘di kalayuan. Ilang saglit pa nagulat na lamang siya nang dumating ang mga tanod at pulis base sa reklamo ng mga Sudanese na kinuha raw ni Doroteo ang wallet ng isa sa kanila na naglalaman ng $500 at pesos na nagkakahalaga sa mahigit 4,000.

Hinalughog ng mga pulis ang taxi ni Doroteo. Kinapkapan din nila siya ngunit walang nakitang wallet o mga pera ang mga pulis. Sa kabila noon, sa pagpupumilit ng tatlong estranghero, kinaladkad ng mga pulis ang kababayan nating si Doroteo sa presinto at idiniretso sa kalaboso. Nagbanta pa kay Doroteo ang mga Sudanese na ipapapatay nila siya. Kinabukasan, Linggo, pinagtulungang bugbugin ng mga kapwa niya preso si Doroteo sa ‘di malamang dahilan.

Pagsapit ng August 1, Lunes, hinarap sa piskalya si Doroteo ng mga pulis para sa isang inquest procee-ding. Ngunit dahil walang maiprisintang ebidensiya ang mga pulis, nagdesisyon ang piskal na pakawalan si Doroteo nang araw ding iyon.

Ngunit sa halip na pakawalan, ibinalik ng mga pulis si Doroteo sa kalaboso. Pagkapasok niya ng kalaboso, itinuloy muli ng mga kapwa niya preso ang pambubugbog sa kanya. Dito na siya sinabihan ni PO3 Christopher Bilangel na kailangan niyang magpiyansa ng P12,000 para siya ay mapakawalan na. Nang sabihin ni Doroteo na wala siyang ganoong halaga, nagpatuloy ang pambubugbog sa kanya ng mga preso.

Walang patid ang pambubugbog kay Doroteo araw-araw hanggang sa naging mistulang gulay na ito. Tumawag si Doroteo sa kanyang labanderang misis na si Mary Grace at nagmakaawa siya rito na magremedyo ng pera kundi baka ‘di na sila magkita at malalagutan na siya ng hininga sa sobrang pahirap sa kanya.

Pagsapit ng August 4, Huwebes, nakapagremedyo ng P5,000 si Mary Grace. Pinautang siya ng mga kamag-anak at kapitbahay. Dala ang nasabing halaga, pumunta siya sa presinto at halos himatayin siya nang makita niya ang kanyang mister na hindi na makalakad dahil sobra ng pagkalupaypay nito.

Nagmakaawa si Mary Grace sa jail warden na si SPO1 Rodolfo Balaquay. Sinabihan niya ito na P5,000 lang ang nakayanan niyang iremedyo. Nang makita ni Balaquay na humahagulgol na sa pagmamakaawa si Mary Grace, pumayag na rin ito. Kinuha niya ang pera at pagkatapos agad niyang pinakawalan si Doroteo.

Pero si Doroteo lamang daw ang makakaalis ng pre-sinto at ang taxi ay maiiwan, ayon pa kay Balaquay.

Sa tulong ng WANTED SA RADYO sina SPO1 Rodolfo Balaquay at PO3 Bilangel ay nakatakdang sampahan ng kaso ng Public Attorney’s Office sa Office of the Ombudsman para sa kasong administratibo at sa RTC naman para sa kasong kriminal.

 

Ang WSR ay mapapakinggan sa 92.3 FM, Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm. Ito ay kasabay na mapapanood din sa Aksyon TV sa Channel 41. 

Shooting Range
Raffy Tulfo

Previous articleSuportang pinansiyal ng ama sa ‘di lehitimong anak
Next articleTampuhan ng mag-inang celebrities, walang may gustong magsulat!

No posts to display