ITO AY ISANG babala sa mga kalalakihan na mahilig pumik-ap ng mga kababaihan sa lansangan. Kapag hindi kayo nag-ingat, baka kayo ang mapik-ap ng mga nanghuhulidap.
Noong May 7 ng gabi, bandang alas-dose ng madaling-araw, pinara ang taxi na minamaneho ni Joel Furog ng isang babae sa may Quezon Avenue. Sumakay ito sa front seat at sinabi niyang magpapahatid siya sa West Avenue.
Habang binabaybay ni Joel ang kalye patungong West Avenue, kapansin-pansin na panay ang text ng kanyang pasahero. Pagsapit ng West Avenue, tinanong ng babae kay Joel kung gusto niyang gumimik. Nabigla si Joel dahil ‘di niya inaasahan ang tanong na iyon sapagkat maganda at medyo disente naman si babae.
Hiniling ng babae na itabi malapit sa gas station ang taxi. Akala ni Joel, doon na bababa ang kanyang pasahero. Nang maitabi niya ang taxi, mabilis na kinalas ni babae ang butones ng kanyang pantalon at zipper.
Sinundan iyon ng pagbaba ni babae ng kanyang sleeveless. Nang lumuwa ang mga dibdib ni babae, tiyempo naman ang pagpa-flashlight ng mga kalalakihan sa mata ni Joel. Makaraan ang ilang sandali, nalaman niyang iyon ay mga pulis pala sakay ng isang mobile na may body number 148.
Kinuha ng isa sa mga pulis ang babae at sinakay sa mobile sabay harurot. Nagpaiwan naman ang dalawa na nakilala ‘di kalaunan na sina PO2 Freddie Corpus at PO1 Estelito Mortega.
Kinunan ng dalawa si Joel ng litrato gamit ang kanilang mga cellphone na bahagyang nakababa ang pantalon nito. Pagkatapos noon, inutusan siyang imaneho ang kanyang taxi papuntang Camp Karingal sakay sina Corpus at Mortega.
Ngunit ilang saglit pa, inutusan ng dalawa si Joel na imaneho ang taxi patungong SM North sa halip. Pagdating malapit sa SM, minanduhan siyang itabi ang taxi. Doon na siya sinabihan na mabigat na kaso ang kanyang kinahaharap. At para hindi na siya matuluyan, kailangan niyang magpiyansiya ng P80,000.
Nagmakaawa si Joel. Wala siyang kakayahang makapagremedyo ng ganoon kalaking halaga. Kinuha ng mga pulis ang kanyang wallet at nang makita na iyon ay may lamang 3,500 pesos, kinuha nila ang 3,400 at iniwanan si Joel ng 100 para sa kanyang pang-gasolina.
Isang sumbong din ang natanggap noon ng inyong SHOOTING RANGE tungkol naman sa isang manager ng isang bangko na itatago natin sa pangalang Gino. Namik-ap si Gino ng babae sa may Quezon Avenue, isang Biyernes ng gabi. ‘Di pa nakakalayo ang minamaneho niyang sasakyan, isang mobile ang biglang sumulpot at nagwa-wang-wang at pilit siyang pinapatabi.
Sinabi kay Gino ng dalawang pulis na sakay ng mobile na dadalahin siya sa presinto at kakasuhan dahil sa pagpipik-ap ng prostitute sa kalye na ipinagbabawal daw ng isang ordinansa sa Quezon City.
Pagdating ng presinto, tinakot siyang bukod sa makukulong, malaking kahihiyan ang kinahaharap niya dahil ilalabas daw sa media ang kanyang pagkakakulong at iyon ay malalaman ng kanyang asawa at mga anak pati na ng kanyang opisina. Sa madaling salita, napakawalan lamang si Gino ng makapagremedyo siya ng P10,000 na pambigay sa mga pulis.
Ang inyong SHOOTING RANGE ay mapakikinggan sa WANTED SA RADYO sa 92.3 FM, Radyo5, Lunes-Biyernes, 2:00-4:00 pm.
Shooting Range
Raffy Tulfo