HABANG LUMALAPIT ang eleksyon sa 2016 ay unti-unti na ring naglalabasan ang mga huling hirit ng mga gustong pumorma para sa pagkapangulo sa 2016. Kaya naman kanya-kanya sila ng estilo ng pagpapapansin at estratehiya para makuha ang atensyon ng mga tao.
Ang mga matutunog na pangalan na maaaring tumakbo ay sina Vice President Jejomar Binay, DILG Secretary Mar Roxas, sina Senator Grace Poe, Francis Escudero, Alan Peter Cayetano, Panfilo Lacson, Miriam Defensor-Santiago, Bongbong Marcos, at Davao City Mayor Rodrigo Duterte. Sino kaya sa mga ito ang humahabol ng huling hirit?
Malaking ingay ang nilikha ng huling hirit na banat ni Sen. Lacson. Dito ay isiniwalat niya ang diumano ay mga lihim na insertion ng budget at pananatili ng ikinubling mala-DAP sa 2015 General Appropriation ng Congress.
Isang maliwanag na pogi points ito para kay Sen. Lacson na minsan na ring nagpahiwatig ng interes sa pagkapangulo. Matatandaan nating naging maugong ang pangalang Lacson dahil sa pagiging chairman niya sa rehabilitation project na inilunsad ng pamahalaan para sa pagtulong sa mga probinsyang sinalanta ng bagyong Yolanda noong nakaraang taon.
May laman din naman ang huling pasabog na ito ni Sen. Lacson. Bakit nga ba nailusot ang mga unallocated fund sa 2015 budget? Paano ba ito naimoro-moro ng mga taga-Kongreso? Tiyak naman na ang mga “savings” kuno ay gagamitin lang sa pagpondo ng kandidatura ng mga taga-Liberal Party. Sakto ang paglabas ni Lacson ng kanyang pasabog dahil tiyak na magmamarka ang pangalang Lacson sa isip ng mga tao sa pagdating ng eleksyon.
SA MGA commercial naman inilalabas ni Sen. Cayetano ang kanyang plano na tumakbo sa pagkapangulo. Dito naman ipinakikita ang kanyang mga plataporma na tumututok sa edukasyon ng mga kabataan, sa kabila ng pagiging gasgas nang tema ay nag-iiwan din ito ng marka sa isip ng mga nakapanonood. Ang estilo ni Sen. Cayetano ngayon ay manahimik, umiwas sa tapunan ng putik ng mga ibang kakandidato at sumimple sa kanyang mga infomercials.
Si Sen. Marcos naman ay tila sumasakay sa pag-ugong ng tambalang “Duterte-Marcos”. Malayo pa talaga sa reyalidad na isang Marcos muli ang magiging pangulo ng Pilipinas, lalo na’t isang Aquino ang pababa pa lamang sa puwesto. Alam ng lahat na kadikit ng pangalang Aquino ang pang-aapi ni dating Pangulong Ferdinand Marcos sa bayaning itinuturing na si Ninoy Aquino. Lumilitaw rin ang pagiging diktador nito sa tuwing mababanggit ang paglaban ni Ninoy sa martial law ni Marcos.
Ngunit, ang posibleng pagkakaluklok ni Sen. Marcos sa vice presidency, mula sa tambalang Duterte-Marcos ay maglalapit muli sa mga Marcos sa pinakamataas na puwesto sa bansa. Tiyak na pagkalipas ng 6 na taon ay maaari nang nalimutan ang legasiya ng mga Aquino, dahil baka ito ang epekto ng mga posibleng kasong isasampa kay PNoy kapag bumaba na ito sa puwesto.
ANG INAABANGAN ng marami ay kung paano mamimili si PNoy sa tatlong pinakamatunog na maging kandidato ng LP at pambato ng kanyang administrasyon sa 2016. Parang isang sikat na kanta lamang noon ni Marco Sison na may pamagat na “si Aida o si Lorna o si Fe” ang palaisipan ngayon kay PNoy at ng mga taong nag-aabang dito. Si Roxas ba o si Chiz o si Poe?… ang malaawit na bersyon naman ni Pangulong Aquino.
Isang Mar Roxas ba na handang-handa nang kandidato sa pagkapangulo at hinog sa panahon ngunit patalo ang survey ratings dahil sa pagiging trapo nito? Isang bagitong kandidato na Grace Poe kaya, ngunit panalo sa survey at tiyak na magpapataob kay Binay ang dapat piliin ng pangulo?
Si Chiz Escudero naman ay parang saling-kitkit na lamang at nagbibigay lamang ng pagkapanalo sa pagka-bise presidente kung maitatambal kay Sen Grace Poe. Ang tila mahirap iresolba ay ang pagkakaibigan ni Poe at Escudero na tila wala raw iwanan ang dalawa kahit anong mangyari. Ngunit saan naman na pupulutin si Mar Roxas kung magiging Poe-Chiz ang resulta?
Kailangang may magsakripisyo. Sa itinatakbo ng isip ni PNoy at sitwasyon sa LP ay parang Mar Roxas for president at Grace Poe for VP. Saan naman kaya si Chiz dito? May salungatan kasi ang mga bagong saling miyembro ng LP at mga lumang miyembro.
Sina House Speaker Sonny Belmonte na dating galing sa Lakas Party ay si Poe ang itinutulak. Sina Drilon naman na original na miyembro ay si Roxas pa rin. Ngunit ang pinakamagandang tiyempo sa lahat ay ang pagbibigkas ni PNoy sa kanyang huling SONA kung sino ang mamanukin nito sa 2016.
Makinig at manood ng Wanted Sa Radyo 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm. Ito ay naka-simulcast din sa 101.9 FM sa Cebu at Davao. Sa Cagayan de Oro ito ay kasabay na napakikinggan din sa 101.5 FM at sa 97.5 FM naman sa General Santos City. Samantalang sa Bacolod City naman ay sa 102.3 FM.
Ang inyong lingkod ay mapanonood din sa Aksyon Sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 11:30 am-12:00 nn.
Mapanonood din ang inyong lingkod sa T3: Alliance sa TV5 tuwing Sabado, 4:30-5:00 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-878-8536 at 0917-792-6833.
Shooting Range
Raffy Tulfo