SA SUSUNOD NA Linggo ay magbubukas na naman ang pintuan ng Cultural Center of the Philippines para sa ika-pitong taon ng Cinemalaya Film Festival. Ito ay pinagdiriwang taun-taon para mabigyan din naman ng pansin ang mga magagandang obra ng mga Pinoy filmmakers, na tumatalakay sa iba’t ibang paksa tulad ng Pamilya, Pag-Ibig, Sex, Violence, Politics at kung anu-ano pa. Dito rin madalas maiispatan ang ilan sa mga artista natin na talagang may malasakit sa sining ng pelikula at ‘di lang dinadaan sa pagpapakyut at intriga ang lahat.
Dahil na rin sa aking pagmamahal sa nasabing film festival (pangarap ko rin kasing gumawa ng feature film balang araw), nabatid ko na may tatlong naggagandahang suki ang mga Cinemalaya entries. Ito ay sina Glaiza de Castro, Sue Prado at Mercedes Cabral. P’wede na ngang bansagang ‘Glaiza, Sue and Mercedes Film Festival’ ang Cinemalaya dahil sa dami ng entries na kasama sila.
MERCEDES CABRAL – Si Mercedes Cabral naman ang itinuturing na Reyna ng Philippine Independent Movies dahil na rin sa dami ng pelikulang pinagbidahan niya. Wala rin itong kiyeme sa pagpapaseksi kung kailangan naman ito sa pelikula. Hindi lang naman kasi basta beautiful and sexy itong morena actress na ito. Meron din talaga itong ibubuga pagdating sa aktingan at kaya niyang lamunin ang mga nagre-reyna-reynahan sa TV kung mabigyan lang ng pagkakataon.
Mapapanood naman si Mercedes sa Ligo Na U, Lapit na Me, Ang Babae sa Septic Tank, Liberacion at Gayuma.
SUE PRADO – Sumikat sa indie film market si Sue Prado nang gumanap ito ng multiple roles sa obra ni Raymond Red na ‘Himpapawid’. Simula noon, naging suki na ito ng iba’t ibang short and feature films. Nanalo pa nga ito ng Best Suppor-ting Actress sa Gawad Urian 2010. Pagdating naman sa TV, lumabas na ito bilang lady assassin sa kakatapos lang na ‘Mga Nagbabagang Bulaklak’ ng TV5 at pasok naman siya ngayon sa Guns ‘n Roses. Sa Cinemalaya ngayong taon, mapapanood si Sue sa apat na pelikula – Cuchera, Teoriya, Patikul at Bahay Bata.
GLAIZA DE CASTRO – Isa na siya sa itinuturing na prime leading ladies ng GMA-7, pero hindi pa rin talaga kayang talikuran ni Grazilda… este, Glaiza ang mundong unang nakapansin sa acting talent niya. Si Glaiza de Castro ang bida sa pelikulang I-Libings, na kalahok sa New Breed Category. Ipapalabas na rin sa closing program ng Ci-nemalaya ang much-delayed movie na Ra-kenrol, kung saan kasama niya sina Diether Ocampo at Jason Abalos. Kasali rin siya sa Director’s Showcase entry na Patikul.
Kaabang-abang ang Cinemalaya 2011 ngayong taon hindi lang dahil sa ganda ng mga pelikulang nakatakdang ipalabas, pero dahil na rin sa mga bituin nitong hindi nakakalimot sa pinanggalingan. Girl Power!
For comments, questions and suggestions, kindly email us at [email protected]. Visit our website at http://www.pinoyfansclub.com
Showbiz Blogster
by Mica Rodriguez
Pinoy Fans Club