DATI KO nang naisulat dito ang tungkol sa talamak na mga problema ng ating mga OFW sa Middle East na hindi tinutugunan ng mga inutil na kawani ng ating mga embahada roon.
Ang karamihan na problema na kinakaharap ng ating mga OFW roon ay ang hindi pagsunod ng kanilang agency sa pinirmahan nilang kontrata rito sa Pilipinas pagdating sa Middle East.
Pagdating doon, hindi ang trabahong inaplayan nila ang i-binigay sa kanila. Ang masaklap pa, ang suweldong tinatanggap nila ay katumbas lang ng minimum wage natin dito. Sa madaling salita, sila ay naloko.
Gustuhin man nilang umuwi na, ayaw pirmahan ng mapagsamantala rin nilang amo ang kanilang exit visa dahil kinaila-ngang tapusin muna ang kontrata. Ang ginagawa ng iba na hindi na makatiis ay tumatakas sa kanilang trabaho at pumupunta sa ating mga embahada.
Pero ang ilang mga moron na nagpapatakbo sa mga embahadang ito ay hindi alam kung paano tugunan ang kanilang mga problema. Kaya ang resulta, tumatawag ang mga naagrabyadong OFW sa kanilang mga kamag-anak dito sa Pilipinas para magpasaklolo.
NGUNIT HINDI lang dapat siguro ibunton ang lahat ng sisi sa mga inutil na kawani ng ating mga embahada roon, kundi pati na sa ilang mga torpeng kawani ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA).
Lahat kasi ng mga agency na nanloko sa mga OFW nating ito ay pawang mga rehistrado sa POEA. Ito ang dahilan kung bakit nagkaroon sila ng kumpiyansa na mag-apply sa mga nasabing agency.
Karamihan sa mga naturang agency ay mga dati nang ikinansela ng POEA ang kanilang mga registration dahil sa mga katiwalian ngunit mabilis na nakapagpalit ng pangalan at muling nabigyan ng POEA registration.
Bakit nalulusutan ang POEA ng mga kawatang ito?
HALOS ARAW-ARAW nakatatanggap ang programa kong Wan-ted sa Radyo ng reklamo mula sa mga kamag-anak ng mga OFW dito na nais pasaklolohan ang kanilang nalokong kamag-anak na ayaw tulungan ng ating mga embahada sa Middle East.
Mabuti na lang at mabilis tumugon ang mga kawani ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) dito sa Pilipinas at marami sa mga pobreng OFW na ito ang agad na napapauwi.
Nais kong samantalahin ang pagkakataong ito para pasalamatan at papurihan ang mga empleyado ng OWWA dito sa Pilipinas lalo na sa deputy administrator nito na si Josefino Torres dahil sa kanilang agarang aksyon sa lahat ng mga inilalapit na-ming kaso sa kanila.
NAPAPANAHON NA para magkaroon tayo ng batas na magpa-pataw ng mabigat na parusa sa lahat ng mga recruitment agency na hindi tumupad sa kontrata at nanloko sa ating mga OFW.
Dumarami na ang ganitong klaseng mga recruitment agency at patuloy pa rin ang pagdami nila na parang mga kabute at wala pa akong narinig na mga may-ari nito na naparusahan maliban lang sa pagkakansela sa kanilang registration.
Dapat, ang mga may-ari ng ganitong klaseng mga recruitment agency ay ituring tulad sa mga illegal recruiter na nakukulong.
Sa ngayon, wala tayong nababalitaan pang mga pulitiko na nagsasalita at tumutulong sa mga OFW nating naloko. Pero sinisiguro ko, ‘pag palapit na ang eleksyon, magsusulputan ang mga pulitiko na gagamitin ang kanilang pag-aalala kuno sa problemang ito para sa kanilang kampanya.
At kapag naluklok sa puwesto, biglang magkakaroon ng amnesia ang mga taong ito at makakalimutan na ang mga problema ng ating mga OFW na ipinangako nilang tutugunan sa kasagsagan ng kampanya.
Ang Wanted sa Radyo ay napakikinggan sa 92.3FM, Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00PM. Ito ay kasabay na mapanonood din sa Aksyon TV Channel 41.
Shooting Range
Raffy Tulfo