SINO BA naman ang hindi magugustuhan ang mamasyal? Panigurado ang mga bagets ay mahihilig maglakwatsa. Marahil may mga nunal sila sa talampakan dahil hindi sila nagsasawang maglakwatsa. Kung dati-rati ay mga malls, kainan at parties lang ang kanilang pinupuntahan, aba ngayon, out of town at out of the country na ang kanilang nararating! Palibhasa, nagkalat na ang mga promo fares sa iba’t ibang airlines. Palibhasa, wala nang fuel surcharge sa mga flights ngayon. Palibhasa, kabilaan ang mga pagdaos ng travel expo. Palibhasa, mura na lang ang pamasahe. Palibhasa, tuloy ang dating ng allowance sa kanilang mga kamay kaya mayroon silang pagkukunan ng pambili ng tickets. Palibhasa, bagets.
Anu-ano na nga ba ang senyales na ikaw ay isang certified lakwatsero at lakwatsera gaya ni Dora the explorer?
- Kung dati-rati, mga social networking sites lang ang iyong tinitingnan araw-araw, ngayon, pati sa websites ng mga iba’t ibang airlines, tumatambay ka na rin. Nag-aabang baka may promo fares na maglabasan.
- May usapan kayong magbabarkada na kailangang magkaroon na kayo ng beach body para ready sa summer. Ano pa ba ang ibig sabihin nito? E, ‘di kayo ay magkakaroon ng beach getaway.
- Pati pang load mo, iyo nang tinitipid para ticket ay iyong mabili. Ganyan ang mga bagets ngayon handang magutom basta’t makabili ng plane tickets o kaya makapag-ipon para sa susunod na adventure kasama ang barkada.
- Kung dati-rati, tumblr blog lang ang iyong binabasa, ngayon, naghahanap ka na ng mga travel blogs at travel websites sa internet. Dito ka nai-inspire makapaglakbay kasama ang mga mahal sa buhay gaya ng iyong pamilya, kasintahan o kaya barkada.
- Ikaw ay namimili pakonti-konti ng mga susuotin sa susunod na getaway. Wala kang pakialam kung hindi mo pa nabu-book ang iyong susunod na travel basta ang mahalaga handang-handa ka na gaya ng mga boyscout at girlscout.
- Kahit katatapos lang ng Pasko, ngayon pa lang nagpaparinig ka na at hinihiling mo na sana voucher ng mga plane trips o kaya lodging ng susunod mong pupuntahan ang iyong matanggap. At ito pa, kung sa tingin mong busy masyado ang iyong mga ninong at ninang para makapagpa-reserve nang maaga, binigyan mo pa sila ng option na kung maaari pera na lang din para maging iyong pocket money.
- Kahit kapapasok pa lang ng bagong taon, inaalam mo na kaagad ang petsa ng mga holidays at long weekends para mai-plot mo na ang iyong mga bakasyong grande ngayong taon. Bilang masyadong mautak ang mga bagets, kahit ang susunod na taon ng 2016, nagpapa-book ka na kasi alam mong mas makakamura ka kung mas maaga kang makakapagpa-reserve. Sabi nga sa kasabihan sa Ingles, “the early bird catches the worm”.
8. Hangga’t -maaari ayaw mong um-absent sa eskuwela o sa trabaho kasi alam mong darating at darating ang panahon na ang iyong schedule ng out of town o out of the country trip ay matatamaan ang weekdays. Sa madaling salita, nirereserba mo ang iyong pag-absent para sa iyong adventure.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo