MGA BAGETS, noong Linggo ba ng hapon kayo ay nakatutok sa Presidential Debate na naganap sa telebisyon? Isa itong makasaysayan na pangyayari dahil binalik muli ng Comelec ang pagtatapatan ng mga kakandidato sa pagka-pangulo at sila ay nakipagtagisan ng galing at talino sa pamamagitan ng debate. Isa itong intelektwal na pamamaraan para ipakita sa lahat ang dedikasyon, plano, at sinseridad nila sa pagtakbo bilang pangulo. Ang tanong, atin ba talagang pinanood ito para matuto o atin itong pinagkatuwaan?
Kay raming kaganapan ang nangyari matapos ang paghaharap nina Mar Roxas, Rody Duterte, Miriam Santiago, Jojo Binay, at Grace Poe. Parang sing rami ng memes sa social media sites lalung-lalo na sa Facebook.
Pumatok sa lahat ang hashtag #DuRiam o ang bagong tambalan nina Duterte at Miriam. Sinasabing ito daw ang kakabog sa loveteams na AlDub, JaDine, at KathNiel. Matatandaang sa kasagsagan ng debate, sinabi ni Miriam na bukod-tanging si Duterte lamang ang malinis sa kasalanang graft and corruption. Nasundan din ito ng magagandang pahayag ng dalawa sa isa’t isa. Nagkalat din ang mga larawan kung saan nagyakapan sina Duterte at Miriam. May meme pa nga na sinasabing dinaig nito ang palabas nina John Lloyd at Bea na “One More Chance”. Dahil, paniguradong blockbuster hit ang pelikula nina Miriam at Duterte na may pamagat na “One More Change”.
Naging word of the day din ang salitang ‘decisive’ kung saan ito ang bukambibig ni Jojo Binay sa bawat rounds ng debate. Susunod sa word of the day ang salitang ‘Makati’.
Nagkaroon din ng meme kung saan ang naganap na debate ay maihahalintulad sa isang reporting sa hayskul kung saan si Poe raw ang pinakahanda sa report, memoryado ang bawat datos. Si Binay naman daw ang kaklase mong malumanay mag-report. Si Santiago naman daw ang kaklase mong matalino, magaling mag-report, at hindi umaatras sa tanong ng guro. Si Duterte naman daw ang kaklase mong chill lang mag-report na may kasama pang sense of humor. At si Roxas naman daw ang kaklase mong inspired sa report kasi sa kasagsagan ng debate, naroon ang kanyang sinta.
May mga biruan din na nagsasabing squad goals daw sina Duterte at Santiago. May mga nagsabi pa nga na hindi naman daw debate ang naganap kundi speed dating. Pero siyempre, mga jokes at lokohan lang ito ng mga gumagawa ng memes sa social media.
Mga bagets, nakatulong nga ba ang memes na ito? Siguro oo, dahil napatawa kayo kahit papaano. Pero, para bang nasapawan ang tunay na layunin ng presidential debate na ito. Tandaan, ang debate na naganap ay malaking tulong para malaman natin kung sino nga ba talaga sa kanila ang mas karapat-dapat sa puwesto. Kahit hindi pa man botante ang ibang kabataan, malaking bagay rin na tutok at ninamnam natin ang mapanonood sa nasabing debate para tayong lahat ay matuto. Kaya, sa susunod pang mga presidential debate, siguraduhin na tutok tayo, alerto at talagang nakikinig sa mga kanilang sinasabi. Malay mo, paglipas ng mahabang panahon, isa sa inyong mga bagets ang tatakbo rin sa pagka-pangulo.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo