HALLOWEEN NA naman, ano nga ba ang mga madalas na ginagawa sa tuwing sumasapit ang panahong ito? Siyempre hindi mawawala ang mga kuwentong katatakutan diyan. Halos lahat na nga yata ng mga programa sa telebisyon ay puro kuwentong kababalaghan ang mga ipinalalabas. Nariyan din ang patok na patok sa kids, walang iba kundi ang Trick or Treat! Ito ‘yung pagsusuot ng costume na ayon sa pinili mong karakter. Puwedeng multo, white lady, kamatayan, anghel, diwata, duwende, zombie at kung gusto mong manalo nang bongga, puwede ring manananggal na career kung career, hindi lang sa prosthetics kundi pati sa costume! Isipin mo, dalawang katawan din iyon!
Pero tatanungin ko ang mga tropa kong bagets diyan, may sumasali pa ba sa inyo sa Trick or Treat? Nagko-costume rin ba kayo at nakikipag-agawan para sa candies? O kung sumasali man kayo, nag-e-enjoy ba kayo? Malamang hindi! Graduate na tayo riyan!
Mayroong ibang paraan para ipagdiwang ang Halloween na paniguradong magugustuhan ng mga bagets tulad ko! Isa na riyan ang Outbreak Manila! Ito ay isang marathon na papipiliin ka kung ikaw ba ay hahabulin o ikaw ang manghahabol. Bakit? Dahil sa Outbreak Manila, may oportunidad ka para maging isa sa zombies, kung saan kayo ay mananakot at manghahabol ng sabay. O puwede ring normal na tao lang na tatakutin at hahabulin ng zombies! Kakaibang marathon ito! Tingnan ko lang kung ‘di ka mag-ala-Lydia de Vega sa sobrang bilis ng pagtakbo, samahan mo pa ng matitining na boses na mga tili.
Sa umpisa ng marathon, mayroon kang tatlong flags, ito ay magsisilbing buhay mo. Kung ‘di mo kinaya sa sobrang takot, mawawala itong tatlong flags mo. Kaya kung ako sa iyo, ikundisyon mo na sarili mo bago ka pa sumali.
Nariyan din ang Holloween Haunts Screen Park! Hindi ito ‘yong typical na Haunted House na gusto nating puntahan at magtakutan. Dahil first time na gagawin ito sa bansa, walang makapagsasabi kung ano nga ba ang saktong ipadarama sa iyo ng event na ito! Pero dahil sa unang beses ito gagawin sa bansa at idinisenyo pa ito ng US based creative director na si David Willis, mukhang kakaiba at nakakapanabik ito!
Ayon pa sa mga ibang artikulo na aking nabasa, ang Holloween Theme park na gagawin nila ay ginawa para talaga sa mga Pinoy. Kaya makakaasa tayo ng manananggal, white lady, aswang na sikat na sikat sa kuwentong kababalaghan sa Pinas. Magkakaroon sila ng tatlong scare zones: ang haunted house kung saan makikita ang white lady na bida ng event na ito; ang graveyard set up na naroon naman ang all time favorite na zombies; at ang asylum na idinisenyo na mukhang lumang kulungan. Naku, mukhang isasabuhay nga nila ang kanilang tagline na “the first scream you make could be your last!”
Para sa inyong mga suhestyon at komento, maaaring mag-email sa [email protected] o mag-text sa 0908-8788536.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo