0919-252xxxx – Boss Raffy isa po akong concerned citizen dito sa Brgy. Pembo, Makati City at nais ko pong ireklamo ang napakaraming colorum na tricycle. Kaawa-awa po kasi ang mga legal na tricycle na tapat na naghahanap buhay pero halos walang kinikita gawa ng mga illegal na mga tricycle dito sa aming lugar. Alam kong kayo lang po ang makatutulong sa suliraning ito. Pa-kikalampag lang po ‘yung mga namumuno dito especially ang transport ng Makati, kung puwede lang po. Mabuhay po kayo!
0915-280xxxx – Magandang araw po sa inyo, Sir Raffy! Nais ko pong isumbong sa inyo ang isang barangay hall dito sa Brgy. 700 District 5 sa Malate, kung saan ginagawang istambayan at walang ibang libangan kundi ang manood ng DVD, pagkatapos ay ginagamit nila ang kuryente sa pagtitinda nila sa kanto pati bentilador, pag-iinit ng tubig na kung saan ang kamag-anak ng isang kagawad ang nakikinabang. Sana po ay maimbestigahan ninyo po ito. Maraming salamat po!
0946-662xxxx – Idol Raffy, isang magandang araw po sa inyo! Ako po ay isa sa mga tagahanga po ninyo at kayo lamang po ang nakapagbibigay-solusyon sa aming mga problema. Nais ko pong idulog sa inyo ang walang katapusang problema po ng stagnant water dito sa 182 Urrutia St., Malanday, Valenzuela City. Napakabaho na po ng tubig at ito’y lubhang mapanganib lalo na sa mga estudyante. Ito’y maaaring bahayan ng lamok at pagsimulan ng sakit na Dengue. Kahit walang ulan po rito, ‘di pa rin nawawala ang mabahong tubig. Sana po ay matulungan ninyo kami. Salamat po nang marami, Sir!
0920-532xxxx – Sir Raffy, ako po ay tagarito sa San Jose del Monte, Bulacan. Nais ko pong isumbong sa inyo ang lumalalang tupada rito tuwing Linggo sa aming lugar. Kahit may mga pulis, ‘di naman nila sinisita. Dumadaan lamang sila na parang wala lang. Humihingi sila ng pera. Hindi naman po hinuhuli. Sana po ay makita ninyo ang gawain nila rito. Salamat po!
0949392xxxx – Kuya Raffy, malaki po ang paniniwala namin sa inyo at sa inyong programa. Nais po naming humingi ng tulong sa ginawang sapilitan at hindi makataong ginawa sa amin ng mga pulis. Hinuli po nila ang aking kapatid na walang dalang warrant of arrest na animo’y isang kriminal. Nakiusap po kami na huwag gawing marahas sa amin pero lahat po kami sa loob ng bahay ay tinutukan ng baril at nagawa pa po akong saktan. Sana po ay mabigyan ninyo ng pansin ang ginawang pang-aabuso ng mga pulis sa amin at maparusahan sila. Salamat po.
0908625xxxx – Sir Raffy, gusto ko pong isumbong sa inyong programa ang katiwaliang ginagawa sa aming Barangay Payatas A, Quezon City sa pamumuno ni Barangay Captain Rosario Dadulo. Kumuha po ako ng Barangay Clearance at nagbayad po ako ng P300. Karapatan ko pong humingi ng resibo, pero sabi po sa akin ay wala dahil iyon daw po ang kalakaran ng kanilang barangay. Sana po ay mapaimbestigahan ninyo ang maling gawain ng mga taong ito. Siguradong sa bulsa lang ng kanilang pinuno napupunta ang mga nakokolektang pera rito. Sana po ay masolusyunan ito sa lalong madaling panahon. Salamat po.
ANG INYONG mga sumbong ay masosolusyunan at mapakikinggan sa programang WANTED SA RADYO 2:00-4:00 ng hapon, Lunes hanggang Biyernes sa 92.3 News fm. At mapapanood sa Aksyon TV Channel 41.
Samantalang ang WANTED naman ay mapapanood sa bago na nitong oras pagkatapos ng Pilipinas News Live, tuwing Lunes, sa TV5.
Shooting Range
Raffy Tulfo