HALOS ISANG taon akong stranded sa Saudi. Halos pitumpung babae kami na dating DH pero nagpasyang tumakas dahil sa mga pang-aabuso sa amin ng aming mga amo. Napadpad muna kami sa SWA ng Saudi at pagkatapos ay pinatira sa welfare center natin doon. Dahil sa tagal ng pagproseso ng aming mga papeles at tiket, matagal kaming nabinbin doon at kahit nakauwi na ako, marami pa sa mga kasamahan ko ang naiwan doon.
Habang nakaistambay kami roon, inaalok kami ng labor attache natin at iba pang tauhan ng konsulada natin kung gusto naming mamasukan sa iba namang amo. Sa kagustuhang kumita o may maiuwing pera, marami-rami sa amin ang pumayag na ma-deploy sa ibang employer. Pero marami rin sa kanila ang muli na namang tumatakas dahil malupit din ang amo na kanilang pinasukan.
Tama po ba ang ginagawa ng ating mga opisyales doon na nire-recruit uli nila ang mga OFW para ipasok sa ibang employer? – Juliet ng Malabon
MATAGAL NA naming nababalitaan ang gawaing iyan sa ating mga konsulada. Nang tanungin namin ang ilang POLO tungkol sa bagay na ito, anila’y gusto lang nilang makatulong sa mga kawawang stranded na OFW kaya nagha-hanap sila ng ibang employer. Sabi pa nila, mismong mga OFW ang humihingi sa kanila ng tulong para makakuha ng bagong employer.
Dapat repasuhin o i-review ang ginagawang ito ng mga tauhan ng gobyerno sa abroad. Kahit maganda ang intensyon, hindi naaayon sa batas ang muling pagde-deploy ng mga stranded na OFW. Ang deployment o recruitment ay dapat pinadadaan muna sa POEA para pag-aralan ang kontrata. Hindi puwedeng direkta ang pagrerekomenda ng employer. Kung may masamang mangyari sa OFW, sino ang mananagot?
LIBRENG PAYO! I-TEXT N’YO AT SASAGUTIN KO! PM <space> saklolaw <space> ang inyong katanungan at i-send sa 2948 (for Globe, Smart and Sun users). E-mail: [email protected].
Ayuda sa OFW
By Ome Candazo