ISA SA madalas maitanong sa amin tuwing kami ay nakakapanayam sa radyo o telebisyon ay kung maaari bang ideklarang dependent ng isang miyembro ng PhilHealth ang kapatid, biyenan, o apo. Ito ang ating tutugunan sa kolum na ito.
Alam ba ninyo na kabilang sa makikinabang sa inyong pagiging aktibong miyembro ng PhilHealth ay ang inyong mga legal dependent? Sinu-sino nga ba ito?
Ang asawa. Maaari ninyong isama sa inyong membership ang inyong legal na asawa na hindi pa miyembro ng PhilHealth. May mga pagkakataon namang miyembro na ang asawa subali’t umaabot sa puntong hindi na nito nahuhulugan ang kanyang kontribusyon dahil sa kawalan ng pagkakakitaan. Sa ganitong mga sitwasyon, maaari siyang ideklarang dependent pansamantala upang makagamit ng benepisyo. Para naman sa ating mga kababayang Muslim na may higit pa sa isang legal na asawa, lahat ay maaaring ideklarang dependent.
Mga anak. Ang inyong mga anak na hindi lalagpas sa 21 taong gulang, walang asawa’t walang hanapbuhay ay pasok din bilang dependent. Kabilang dito ang lehitimo, hindi lehitimo, at ginawang lehitimong mga anak, ampon, stepchildren at mga batang kinupkop alinsunod sa Foster Care Act ng 2012. Kung sakali namang ang anak ay 21 taong gulang o mahigit pa, nguni’t may kapansanan mula pa nang ito’y isinilang o maaaring nakuha mula pagkabata, at ito ang naging dahilan ng pagiging lubos na nakaasa sa miyembro para sa suporta, maaari pa rin siyang ideklara bilang dependent.
Mga magulang. Maging ang inyong mga magulang na 60 taong gulang pataas na at hindi miyembro ng PhilHealth ay maaaring gawing dependent. Dahil sa bagong NHI Act na naipasa noong 2013, maging ang mga magulang na hindi pa umabot sa 60 taong gulang subali’t may permanenteng kapansanan at nakaasa sa anak para sa ikabubuhay nito, ay maaari ring ideklara bilang dependent. Isang paalala lamang: sa membership ng isa sa magkakapatid lamang maaaring ideklara ang mga magulang bilang dependent. Ang akala naman ng iba naming mga miyembro ay hindi na nila maaaring gawing dependent ang kanilang mga magulang oras na sila ay mag-asawa. Puwedeng-puwede pa rin!
Ngayong nailathala na namin kung sinu-sino ang maituturing na legal na dependent ng isang aktibong miyembro, nais naming i-update ninyo ang inyong mga Member Data Records upang maipasok sa talaan ang mga dapat ninyong ideklarang legal na dependent.
At dahil hindi ninyo maaaring ideklara ang inyong kapatid, biyenan o apo, mangyaring i-enrol na lamang sila bilang miyembro mismo upang matiyak na sila ay may PhilHealth coverage.
Para sa karagdagang tanong, tumawag sa aming Call Center sa (02) 441-7444 or mag-email sa [email protected]
Alagang PhilHealth
Dr. Israel Francis A. Pargas