SINABI KAHAPON NG Nacionalista Party (NP) na nagsimula ang political career ng nakatatandang Ampatuan na si Andal Sr. sa panahon ni dating pangulong Cory Aquino nang hirangin ito bilang isa sa mga OIC mayors matapos ang EDSA Revolution.
Kinastigo rin ng NP ang Liberal Party (LP) na siya diumanong tumulong upang mamayagpag ang angkan ng mga Ampatuan sa Maguindanao.
Ito ang pahayag ng NP bilang tugon sa black propaganda ng LP na si Sen. Manny Villar daw ang sinusuportahan ng mga Ampatuan sa darating na eleksiyon.
“Bago tayo iligaw ng LP sa mga paninira nito, dapat malaman ng taumbayan kung paano naging makapangyarihan ang mga Ampatuan sa Maguindanao. At ito lahat ay nagsimula noong na-appoint si Andal Sr. na OIC mayor noong panahon ng Aquino administration,” anang NP.
“At namayagpag ang angkan na ito dahil na rin sa suporta ng mga miyembro ng ‘civil society’ na dating masugid na taga-suporta ni Pangulong Arroyo at ngayon ay nakapaligid na kay Sen. Benigno Aquino III.”
Ayon sa isang artikulo na nailathala sa Nov. 26, 2009 online edition ng Newsbreak, itinalaga ni dating pangulong Aquino si Andal, Sr. bilang OIC mayor ng Maganoy na ngayon ay Shariff Aguak na.
Ayon naman sa isang kolum na isinulat ni Herman Tiu Laurel sa pahayagang Daily Tribune noong Mayo ng nakaraang taon, naluklok sa puwesto si Andal Sr. dahil kay dating ARMM Gov. Zacarias Candao, na naitalaga naman sa puwesto dahil kay Tingting Cojuangco, asawa ni Peping Cojuangco na tiyuhin ni Sen. Noynoy Aquino.
Sa kabila ng pagpipilit ng LP na suportado ng mga Ampatuan ang NP, hindi naman maitatanggi na LP mahalaga ang baluwarte ng mga Ampatuan sa Mindanao at ang mga botong dala-dala nito para masiguro ang panalo ni Aquino. (Janna Borlongan)
Pinoy Parazzi News Service