HINDI NA po kami nakatutulog dahil ang aking asawa ay nakaipit pa sa Syria. Mag-aanim na buwan pa lang siya roon nang pumutok doon ang kaguluhan. Ayaw po silang bigyan ng exit visa dahil hinihingan sila ng $10,000.00 bawat isa ng kanilang mga employer. Bayad daw ito sa perhuwisyo sa kumpanya dahil aalis sila nang ‘di pa tapos ang kanilang kontrata. Saan naman namin kukunin ang halos kalahating milyong pisong pambayad eh, hindi pa sila sumusuweldo roon?
— Gloria ng Novaliches
WALA TAYONG magagawa kundi ang makiusap sa mga employer na alisin o kaya’y babaaan ang kanilang sinisingil sa mga papaalis na mga OFW natin doon. Papel na ito ng ating gobyerno — ng DFA, OWWA o POEA. Tama ka, walang pambayad ang ating mga kababayan sa $10,000.00 hinihingi sa kanila ng mga employer.
Pero ang mas masakit, kinumpirma ng DFA na hanggang ngayo’y patuloy pa rin ang pagpapadala natin sa Syria ng mga manggagawa sa pamamagitan ng mga illegal recruiter. Walang dinadatnang trabaho ang mga kababayan natin doon. Ang kababaihan naman ay nasasadlak sa prostitusyon. At nangyayari ang lahat ng ito sa gitna ng umiiral na digmaang sibil.
Ganyan na ba talaga kadesperado ang ating mga kababayan?
LIBRENG PAYO! I-TEXT N’YO AT SASAGUTIN KO! PM <space> saklolaw <space> ang inyong katanungan at i-send sa 2948 (for Globe, Smart and Sun users). E-mail: [email protected].
Ayuda sa OFW
By Ome Candazo