Mga paos na tinig

NAKAPAGNGINGITNGIT. KASAMA ANG maliit kong tinig sa dagsa ng mga tinig na tumutuligsa sa isyu ng isang blasphemous art exhibit sa CCP.

Buti pa si Gng. Imelda Marcos, nagtaas-tinig at nagpakita ng galit kaagad. Si Pangulong P-Noy ay nagpatumpik-tumpik muna. At saka nakisali nu’ng naglalagablab na ang galit at poot ng buong bayan.

Nakapagtataka rin na walang tinig na narinig sa CBCP at kaparian. Bigla ba silang napaos o naglaho sa ibabaw ng planeta?

Nabanggit nang sagad-sagad ang argumentong kontra o pabor sa isyu. Sa aking pananaw, ito ang maliwanag: ang kasamaan ay buhay, lumilipana sa kapaligiran. Nakabalatkayo. Nakatubog sa ginto. At humahalakhak sa ating pagwawalang-bahala.

ANG DATING GININTUANG tinig ni Bb. Nora Aunor ay ngayo’y tila ingay na lang ng isang hinahatak na kawayan.  Nakakalungkot ang balita.

Sa loob ng apat na dekada, namayani ang tinig ni Nora sa puso at kaluluwa ng Pilipino. Mula sa lusak, pumailanglang bilang Superstar. Nagkamal ng ibayong katanyagan at kayamanan. Ngunit mga biyaya ng Diyos na tila ‘di niya minahal at pinasalamatan. Ito kaya ang dahilan ng kanyang bagong kapalaran? Hiram sa Diyos ang lahat. Sa kaso ni Nora, tila ang hiram niyang ginintuang tinig ay binawi agad. Pitik-bulag sa kaisipan.

LAGYAN NG BUSAL ang bunganga ni Atty. Raul Lambino. Bawat bagsak ng salita ay lalong nakakaperhuwisyo sa may malubhang sakit na Gng. Gloria Macapagal Arroyo.

‘Di niya trabahong magpahayag ng medical bulletin sa dating pangulo. Ngunit dahil hayok sa publicity, pati ito’y pinakikialaman. Nalilito tuloy ang publiko.

Lagyan ng pangalawang busal ang bunganga ni Deputy Spokesperson Abigail Valte. Pareho sila ni Lambino na kulang sa pansin. Buka nang buka ang bibig nang walang katuturan. Walang bagong sinasabi. At kung may bago man, walang substance o news value.  Ngunit bakit biglang tumahimik ang dating madadang Sec. Ricky Carandang? Balita, nasa freezer na. Asar na asar kuno si P-Noy dahil sa maraming statement blunders sa Spratly isyu. Buti pa si Tourism Secretary Alberto Lim. Sumepa na dahil ‘di kaya ang trabaho.

KATAKUT-TAKOT NA ESPEKULASYON ang pinalulutang tungkol sa maaa-ring pumalit kay Sec. Lim. Nariyan si Boy Abunda at Riza Hontiveros. At isang ‘di kilalang advertising executive. Subalit nahingi pa ng konting panahon si Pangulong Noynoy.

Dahil sa gross inefficiency ni Sec.Lim, nawalan ng isang taon ang Phi-lippine tourism. Walang nangyari kahit katiting. Buti pa si CamSur Gov. L-Ray Villafuerte na naiakyat ang lalawigan sa global tourism map. Ngayon, CamSur na ang number one tourist destination sa bansa. Nu’ng 2010, mahigit na dalawang milyong local at foreign tourists ang nagtungo sa lalawigan. Kagilas-gilas na performance.

Si Gov. L-Ray kaya ang ipalit? Puwede, ‘di ba? Subalit maintriga ang puwesto. Sa aming pagkaalam, ‘di type ni Gov. ang ganito.

Spiritual Quotes of the Week:

“I do not want to be acknowledged because I do good. I want to be acknowledged because God is so good. He uses me as an instrument for good. God alone is good, the source of all goodness.”

“Rage not against the darkness if you have no light to offer. Begin by raging against the darkness within you.”

PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez

Previous articleBus tagging at jueteng ni Aging
Next articleBastos at mayabang na pulis

No posts to display