NAIS KONG pasalamatan ka-yong lahat na nagtitiwala at nagsusumbong sa WANTED. Dahil sa inyong patuloy na suporta, muling umani na naman ito ng parangal. Kamakailan, kasama ang WANTED sa mga TV shows na nabigyan ng pagkikilala ng mga estudyante at propesor ng University of Mindanao (UM) sa Davao City. Binigyan ito ng parangal bilang Best in Documentary and Public Service.
Pero bago pa man mabigyan ng parangal ng UM, ang WANTED ay napili bilang isa sa mga finalist ng New York Festivals Worlds Best Television and Films 2012. Ito ay natanghal bilang finalist sa kategoryang Best in Community Service. Kapag pinalad na manalo, tatanggapin ng WANTED ang parangal sa Las Vegas, Nevada sa April 17, 2012.
Ang WANTED ay mapapanood sa TV5 tuwing Lunes ng gabi pagkatapos ng Pilipinas News Live.
BAGAMA’T MABILIS umaksyon ang DOLE sa mga reklamong inilalapit namin sa kanila, mapupulaan ko pa rin ang ahensiyang ito bilang pugad ng mga inutil na mga kawani ng gobyerno. ‘Di ko maipagkaila na nagkakaroon nga ng positibong aksyon ang mga referrals namin sa kanila, pero kapag ang naaaping manggagawa lamang ang magpuntang mag-isa sa kanila, malaki ang posibilidad na hindi siya makakuha ng magandang resulta.
Bagama’t nababalitaan ko sa mga nagrereklamong manggagawa na may mga dumadalaw na kawani ng DOLE sa kanilang mga kumpanya para mag-inspeksyon pero hindi nila nakikitaan ng paglabag ang nasabing mga kumpanya at umuwi sila nang blanko.
Maaari sigurong blanko ang resulta ng kanilang pagbisita pero puno naman siguro ang kanilang mga bulsa lalo pa kung ang kanilang mga napasyalang kumpanya ay pag-aari ng mga Intsik na kakasalta lamang dito sa ating bansa galing Tsina.
Nais kong linawin na hindi lahat ng mga kawani ng DOLE ay inutil at mga korap. Marami pa rin sa kanila ay mga tapat sa kanilang mga tungkulin at maprinsipyo.
SA ARAW-ARAW na ginawa ng Diyos, walang patid na nakatatanggap ng reklamo mula sa mga naaaping manggagawa ang programa kong WANTED SA RADYO (WSR). Pare-pareho ang kanilang mga sumbong – mababang pasahod, walang overtime pay, walang day-off, walang 13th month pay at walang benipisyo.
At pare-pareho rin ang kanilang mga sinasabi – may mga pumunta na raw sa kanilang kumpanya na mga taga-DOLE matapos silang makapagsumbong dito para mag-imbestiga ngunit wala raw nangyayaring resulta, bagkus, pag-uwi pa nga raw ng mga ito, sila ay mga nakabungisngis na.
Isang kawani ng DOLE sa NCR ang naging instrumento para magkaroon ng mga resulta ang maraming mga problema ng mga manggagawa sa Metro Manila na lumapit sa amin. Isang araw, nabalitaan ko mula sa isang kasamahan niya sa DOLE na ang taong ito ay na-transfer sa malayong lugar dahil sa mga kuwestiyonableng gawain. Nagkaroon din daw ito ng mga kuwestiyonableng kayamanan.
Mataas pa man din sana ang respeto ko sa taong ito pero halos masuka ako ng malamang nagpakasasa siya sa mga pang-aapi na tinatamasa ng kanyang kapwa. Kaya ngayon sa tuwing magre-refer ang WSR ng kaso sa DOLE, sumasama ang mga staff ng WSR sa mga hearing para mag-observe at siguraduhing transparent ang kanilang mga ginagawang pag-aksyon at hindi naaapi ang api na ngang mga complainant.
Para sa inyong mga sumbong mag-text sa 0917-7-WANTED.
Shooting Range
Raffy Tulfo