ANG DAMI talagang pasaway ngayon sa mundo. Kahit sa kalsada lang ay makakikita ka ng mga pasaway na driver, pasaway na mga taong tumatawid sa bawal na tawiran, mga pasaway na traffic enforcer na nawawala kapag umuulan at nagkukumpulan kung may kokotongan. Kung sa araw-araw na ginawa ng Diyos ay ganito ang mga pasaway na mararanasan mo ay masasanay ka na rin siguro.
Kaya lang, may mga pasaway na talagang hindi natin mapalalampas. Ito ang pag-uusapan natin sa artikulo ngayon. Ang kaibahan sa mga pasaway na ito sa mga pasaway sa kalsada araw-araw ay hindi pangkaraniwan ang epekto ng kanilang pagiging pasaway. Ito ay isang “national interest” kung tawagin.
Una na ang tila pagpapasimpleng panunukat ng administrasyong Aquino sa isyu ng pagpapahaba ng kanyang termino. Ano ba ang interpretasyon ng inilabas ng mga kaalyado ni PNoy na pananaw sa isyu at pati na rin ang mga pahayag na inilalabas ng mga tagapagsalita ng Pangulo? Ano rin ba ang implikasyon nito sa ating bansa?
Ang pangalawang pasaway ay ang isyu ng suhulan sa kaso ng mga Ampatuan at ang biglaang pagbibitiw ng mga abogado nito. Mukhang sa tinatakbo ng kaso ay hindi ito matatapos sa loob ng termino ni PNoy at taliwas ito sa ipinangako ng Pangulo noong sinisimulan pa lang litisin ang kaso.
ANO BA talaga ang tunay na interpretasyon sa pahayag ng mga kalihim ng Pangulo na handa siyang makinig sa kanyang mga “boss?” Hindi naman kailangang maging abogado o political expert para maunawaan na ang pinararating ng pangulo ay interesado pa siya sa pagpapahaba ng kanyang kapangyarihan.
Hindi yata tama na gamitin ng Pangulo sa isyung ito ang linya na “kayo ang boss ko”. Sa isyung ito ay “out of context” ang linyang “kayo ang boss ko” kung ididikit niya sa usaping pagpapahaba ng kanyang termino. Ito ay dahil sa ang orihinal na konteksto ng “kayo ang boss ko” ay nanggagaling sa prinsipyo ng pagkakaroon ng demokrasya sa ating bayan. Sa ganitong pagbibigay ng buhay lamang sa demokrasya sa ating bayan ginamit ni PNoy ang linyang “kayo ang boss ko”.
Ang pagpapahaba ng kanyang termino ay hindi maaaring idikit sa prinsipyo ng demokrasya sa temang ang tao ang boss ni PNoy. Hindi kasi ito naaayon sa ating Saligang Batas. Hindi rin maaaring labagin ang Saligang Batas dahil sa kagustuhan ng tao. Ito ay sa kadahilanang ang mismong Saligang Batas na kanilang lalabagin ay ang siyang nagtataguyod at nagbibigay proteksyon sa demokrasya.
MALINAW NA nagiging pasaway na naman ang Pangulo sa ating Saligang Batas. Ang paggamit niya ng linyang makikinig siya sa kanyang mga boss ay malinaw na indikasyong nais niyang suwayin ang ipinag-uutos ng Saligang Batas, kung saan ang kanya mismong ina ang nagbigay-kapangyarihan nang likhain ito at manalo sa isang referendum sa termino ni dating Pangulong Corazon Aquino noong 1987.
Matagal nang sinasabi ng mga tao na “boss” ni PNoy na ayaw na nila ng pork barrel, bakit pilit na pinagtatanggol ng Pangulo ang kanyang DAP? Kung sasabihin din ba ng taong bayan na paliitin ang buwis o tanggalin na ito ay susunod ba si PNoy sa “boss” niya? Hindi niya ito gagawin dahil sasabihin niyang lumalabag ito sa Saligang Batas.
Ang pinakamagandang ginawa sana ni PNoy para matapos na ang isyu ng pagpapalawig ng kanyang termino ay ang paglilinaw nito sa isang kategorikal na paraan. Maaari niya sanang sinabi na hindi na siya tatakbo at wala na siyang hangad pa rito kahit ito pa ang isinisigaw ng mga tao dahil hindi ito naaayon sa batas.
PASAWAY RIN itong mga abogado ng mga Ampatuan. Kung kailan kasi tinapos na ng mga state prosecutors ang pagpi-presenta nila ng ebidensya at na i-“put to rest” na ang kanilang panig, hudyat sana para magpresenta na ang mga abogado sa panig ng mga Ampatuan ng kanilang mga depensa at argumento, ay siya namang pagbibitiw ng mga abogadong ito sa kanilang trabaho.
Nangangahulugan lamang na maaantala na naman ang pagdinig sa kaso dahil hindi pa makakapagpresenta ang panig ng depensa dahil nga sa pagkawala ng mga abogado nito. Sabihin na nating isang maliwanag na “delaying tactics ito”. Mukhang sinasadya talaga ang pagkaantala ng pagdinig para hindi agad matapos ang kaso.
Malinaw na sinasadya rin ang paggulo sa panig ng prosecution dahil sa pagpapalabas ng isyung nagkakabayaran dito. Nagbibigay ito ng impresyon sa taong bayan na may kabulukan ang sistemang hustisya sa ating bansa. Sa huli ay baka mabaling ang atensyon ng mga tao sa ibang isyu ng bayan kaysa sa hustisyang dapat makamit ng mga biktima ng karumal-dumal na krimeng ito.
HINDI NATIN dapat payagan ang mga pasaway na ito sa ating bayan at Saligang Batas. Ang ating bayan ay uunlad lamang kung magiging matapat tayo sa mga batas at prinsipyong napapasaloob sa ating Konstitusyon. Ang mga batas ay nilikha upang gabayan tayo sa ating pagdedesisyon at protektahan tayo sa mga mapang-abusong tao at mga masasamang lingkod bayan.
Maging mapagmatyag tayo sa mga isyu ng ating bayan dahil ito lang ang paraan para mabantayan natin ang ating kapakanan bilang isang bayan at mamamayan. Magbantay tayo, magbasa, mag-isip at sama-samang kumilos para sa ikabubuti ng ating bansang Pilipinas.
Ang Wanted Sa Radyo ay napakikinggan sa 92.3 FM, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm. Ang inyong lingkod ay napanonood din sa Aksyon Tanghali news, Lunes hanggang Biyernes, 12:00-12:30 pm sa TV5. Samantalang ang T3 Enforced naman ay napapanood na sa bago nitong timeslot na 12:30-1:00 pm, Lunes hanggang Biyernes sa TV5 pa rin.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87-TULFO at 0917-7-WANTED.
Shooting Range
Raffy Tulfo