ANG MGA huling kataga ng ating pambansang awit na “ang mamatay nang dahil sa ‘yo” ay mga katagang nagbubuklod sa lahat ng mga bayani ng ating bayan. Ang kabayanihan ay ang pag-aalay ng buhay para sa bayan. Kaya naman lahat ng mga bayaning kinikilala sa mga aklat ng ating kasaysayan ay mga taong namatay para sa bayan.
Ang pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal ang bukambibig ng mga mag-aaral sa tuwing pag-uusapan ang mga bayani. Siya nga palibhasa ang pambansang bayani kaya ganito siya kasikat sa lahat. Sa mga nag-aral at nagpakadalubhasa sa kanyang buhay, sinasabi nilang ang huling sandali ng kanyang buhay bago siya binaril sa Bagumbayan (Luneta), ang nagpatotoo sa kanyang kabayanihan.
Isang araw bago pinatay si Rizal, saka lamang ipinaalam sa kanya ang pagbitay. Sa araw na ito ay maraming prayle, pari, mamahayag, at tagapamahalaan ang dumalaw kay Dr. Rizal. Ang nais nila ay pumirma si Rizal sa isang sulat na nagsasabing itinatakwil na ni Dr. Rizal ang mga aklat at lahat ng kanyang mga isinulat laban sa pamahalaan. Kasabay nito ay ang pagbabalik ni Rizal sa relihiyong Katoliko.
Naging malaking debate ang puntong ito dahil may mga nagsasabing pineke ang sulat at pirmang lumabas sa mga pahayagan pagkatapos bitayin si Rizal. Ngunit sa pananaw ng mga tao at ilang mga scholar ng kasaysayan ay hindi pumayag na pirmahan ni Rizal ang sulat na ito. Kung pumayag sana si Rizal dito ay maaaring hindi siya pinatay. Ngunit sa puntong ito ay tila minarapat ni Rizal na tanggapin ang kanyang kamatayan kaysa pagtaksilan ang kanyang bayan sa pamamagitan ng paglagda sa sulat.
SA PAREHONG tema ng pag-aalay ng buhay sa bayan ay makikita natin ang kabayanihan ni Ninoy Aquino. Nitong August 21 ay muling sinariwa ang araw ng kanyang kamatayan at pagkabayani.
Si Ninoy ay pangunahing naging kritiko ng diktadurya sa rehimeng Marcos. Nilabanan ni Ninoy ang pagdedeklara ng Martial Law noong 1972. Sa kanyang privilege speech sa Senado ay ibinunyag ni Ninoy ang Oplan Sagittarius o ang pagpaplano ni Marcos na magdeklara ng Martial Law para palawigin ang kanyang pagkapangulo.
Si Marcos ay nakatakdang bumababa sa puwesto noong 1973 pagkatapos ng dalawang termino na itinakda ng Saligang Batas. Sa kasaysayan ng Pilipinas, mula sa panahon ni Pangulong Manuel Roxas hanggang kay Pangulong Diosdado Macapagal, tanging si Pangulong Marcos lamang ang nagkaroon ng ikalawang termino base sa 1935 Constitution. Ang pagkapanalo ni Marcos sa eleksyon para sa kanyang ikalawang termino ay nagmarka sa kasaysayan bilang pinakamadugo at marahas sa lahat.
Si Senador Ninoy Aquino ang naging mabigat ni kritiko ni Marcos sa panahong ito. Si Ninoy rin ang inaasahang mananalo sa 1973 election kung natuloy sana ngunit hindi ito nangyari dahil sa Martial Law. Kaagad na ipinahuli si Ninoy ni Marcos at ipinakulong. Gaya ni Rizal ay hinatulan din ng parusang kamatayan si Ninoy sa ilalim ng isang military court.
ANG PANANATILI ni Marcos sa kapangyarihan sa loob ng 20 taon na tumagal hangang 1986 ay bunga ng pagpapalit niya ng Saligang Batas sa tinawag niyang Modified Parliamentary. Dito ay nanatiling pangulo si Marcos ng bansa habang mayroon isang prime minister sa pamahalaan.
Gaya ng isang parliamentary government, maaaring manatili si Marcos bilang pangulo hanggang nais pa siyang manatili ng Prime minister. Noong 1981, ibinaba ni Marcos ang Martial Law, ngunit idineklara niya ang sarili bilang Prime Minister at Pangulo rin ng bansa. Dito mas lalong nag-alma si Ninoy Aquino habang siya ay nasa U.S. at patuloy na nilalabanan ang diktadurya ni Marcos.
Nakarating sa kaalaman ni Ninoy na may malubhang karamdaman si Marcos at nakaplano na ang pagpalit ni Imelda Marcos sa posiyon. Nagpasya si Ninoy na bumalik sa Pilipinas upang pigilan ito sa kabila ng banta sa kanyang buhay. August 21, 1983, hindi pa man nakaaapak si Ninoy sa lupa ay binaril siya sa ulo ng isa sa mga escort niya sa eroplano habang pababa rito. Si Rolando Galman ang bumaril kay Ninoy, ngunit kaagad din siyang binaril ng iba pang sundalong nandoon sa paliparan.
Ito ang araw na nagmarka ng kabayanihan ni Ninoy. Ito ang araw ng kanyang pag-aalay ng buhay para sa bayan. Ang mga katagang sinabi ni Ninoy na “the Filipino people are worth dying for” ang tumatak sa isip ng maraming Pilipino at naiukit sa mga aklat ng kasaysayan ngayon. Ang kamatayan din ni Ninoy ang nagpaalab sa damdamin ng mga Pilipino na nagbunga ng pagpapatalsik sa diktador na si Marcos.
ANG PAGGUNITA natin sa kabayanihan ni Ninoy tuwing August 21 ay patuloy na nagbibigay-inspirasyon sa marami nating mga kababayan na lumalaban sa kahirapan sa buhay sa labas ng bansa, gaya ni Ninoy.
Sila naman ang tinatawag nating mga buhay na bayani. Ang mga pinaghihirapan nilang kinitang dolyar ang patuloy na bumubuhay sa naghihingalong ekonomiya ng Pilipinas mula pa noong panahon ni Pangulong Fidel Ramos.
Ngayon huling anim na buwan ng 2015 ay pumalo sa pinakamataas ang remittances ng mga OFW o buhay na bayani sa 12.1 na bilyong dolyar. Ang perang ito na pumasok sa bansa ay kita at yaman ng buong bansa mula sa hirap, pawis, dugo, at pagod ng mga buhay na bayani. Ayon kay Amando Tengtangco na Bangko Sentral ng Pilipinas Governor, mas malaki nang 637 milyong dolyar mula sa dating 11.45 bilyong dolyar ang pumasok sa bansa nang parehong panahon noong nakaraang taon.
Sila ang mga bayani sa panahon ngayon. Hindi naman kailangang mamatay sa lahat ng pagkakataon para magpakabayani. Buhay man sila ay patuloy na pinangangatawanan nila ang pagpapakabayani para sa kanilang mga pamilya at bayan. Mabuhay ang mga bayaning namatay at nag-alay ng buhay sa bayan at mabuhay rin ang mga bayaning buhay na patuloy na nag-aalay ng kanilang buhay sa bayan!
Ang Wanted Sa Radyo ay napakikinggan at napanonood sa 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm.
Ang inyong lingkod ay napanonood sa Aksyon Sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 11:30 am-12:00 nn.
Panoorin ang T3: Alliance sa TV5 tuwing Sabado, 4:30 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-878-8536 at 0917-792-6843.
Shooting Range
Raffy Tulfo