LAHAT TAYO ay masuwerte dahil may kanya-kanya tayong mga tropa o matatalik na kaibigan na nandiyan lagi para sa atin. Sa bawat saya at lungkot natin sa buhay, hindi nila tayo iniiwanan. Malaki ang papel na ginagampanan nila lalo na sa mga nakalulungkot na sitwasyon na patok sa mga barkada ngayon, wala nang iba kundi ang break-up.
Kapag sa tropa ninyo may isa kayong kaibigan na kagagaling lang sa hiwalayan, siyempre todo-rescue ang lahat! Para saan pa ang kaibigan? ‘Ika nga. Kaya nga lang, may mga pagkakataon din kasi na kahit ang gusto lang natin ay makatulong at mapagaan ang sitwasyon, ang nangyayari lang ay mas napabibigat pa natin ito.
Anu-ano nga ba ang mga sikat na payo na inaakala natin na magpapabawas ng sakit sa katropang kaka-break lang sa minamahal niya?
“Marami pang lalaki/ babae diyan”
In na in ‘yang linya na iyan sa mga bagets ngayon! Sa bagay, napakadali kasing sabihin at totoo naman na marami talagang iba pa riyan. Pero iyon na nga point, sa dinami-rami ng tao sa paligid, paano mo malalaman kung siya ba talaga ang para sa iyo? Puwede rin nating sabihin na oo nga marami pa nga riyan pero mahirap bumalik sa umpisa. At kapag sinabi mo ‘yan sa katropa mo, maaari lang siyang ma-stress sa kaiisip na “bakit sa dinami-rami ng tao sa mundo, siya pa ang napili kong mahalin.” Nakatulong ka ba? Hindi, ‘di ba? Mas pinalungkot mo pa nga siya.
“Tara, daanin mo na lang ‘yan sa inom!”
Siyempre hindi mawawala ang inuman sa barkada. Sa bawat pagsasama ng magbabarkada, laging present ang inuman. Kadalasan ding dinadaan natin lahat ng problema natin sa alak. Pero may naitutulong nga ba ito? Ang sagot diyan, “mayroon naman kahit papano pero panandaliang limot lang”. Kapag pinainom mo ang taong may break-up na pinagdaraanan, isa lang ang posibleng mangyari riyan. Lalo pa siyang iiyak. Sabi nga ni Edgar Allan Poe, “a drunk person speaks a sober heart.” Lalo lang malulungkot ang katropa mo! Kapag nilasing mo ba siya, nakatulong ka ba? Hindi, ‘di ba? Pinaiyak mo na nga siya, pinasakit mo pa ulo niya.
“Makikipagbalikan din ‘yan!”
Huwag na huwag mong sasabihin ‘yan sa kabarkada mong brokenhearted! Bakit? Kasi pinaaasa mo lang siya. Wala tayo sa sitwasyon para sabihin iyan. Hindi natin kilala nang lubusan ang ex niya kaya wala tayong karapatang magdikta. Hindi naman masamang maging positibo sa lahat ng bagay pero dapat maging realistic din. Sige nga, kapag sinabi mo ba ‘yan sa kanya, nakatulong ka ba? Hindi, ‘di ba? Pinaasa mo lang siya sa walang kasiguruhang mga bagay-bagay.
Kahit gaano pa kayo close sa mga tropa niyo, may mga bagay-bagay din na kinakailangang iwan sa kanila. Kumbaga, privacy na nila iyon. Lalo na pagdating sa break-ups, tutal problema ng dalawang tao iyon, maaatim mo bang makisawsaw? Siyempre hindi. Hayaan muna natin silang dalawa na ayusin iyon. Minsan din kasi ang mga sarili lang din natin ang makatutulong sa atin. At minsan din kasi, mas gumugulo lang ang sitwasyon kapag dumarami na ang nakikisali sa problema natin.
Para sa inyong mga komento at suhestyon, maaaring mag-email sa [email protected] o mag-text sa 0908-8788536.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo