NGAYONG HATINGGABI, September 5, Miyerkules, ang lipad ng Superstar Nora Aunor, si Direk Brillante Mendoza, kasama sina Lovi Poe at Mercedes Cabral, patungong Venice, Italy upang i-represent ang Pilipinas sa 69th Venice International Film Festival, kung saan kasama sa competing films mula sa iba’t ibang bansa ang Thy Womb, ang bagong obra ni Direk Brillante starring the Superstar.
Ang flight ng Philippine delegation ng Thy Womb ay mula sa NAIA Terminal 1. Alas-nuwebe pa lang ng gabi ay expected na roon ang buong entourage nina Direk Brillante and Ate Guy, to accomodate local media interviews (TV, print, photographers) dahil isa nga itong malaking karangalan para sa bansa!
Via Qatar Airways ang lipad ng Pinoy team, Flight QR 645, Manila-Doha, Sept 5,12:01 am (mahigit 9 hours travel) and then, ang connecting flight ay Flight QR, Doha-Venice ay 9am (mahigit 6 hors travel).
Ang bongga rito, eh hindi lang Thy Womb ni La Aunor ang mapapanood sa tinaguriang “oldest film festival in the world” – and one of the most prestigious filmfests, at that – kundi pati na ang Himala ni Ate Guy.
Kung nasa competition category ang Thy Womb ni Nora, nasa Venice Classics naman ang Himala, kung saan ipalalabas ang world premiere ng HD o high-definition version ng classic 1982 film by Ishmael Bernal.
Twice ang screening ng Himala, samantalang limang beses naman ang screening ng Thy Womb. Sa website pa lang ng Venice filmfest ay pinuri-puri na ng ilang mga tagapamahala ang trailer ng Thy Womb, kasama na ang isang programmer ng Toronto International Film Festival na si Steve Gravestock.
Indeed, isang milestone at history na naman ang ginawa ng isang Nora Aunor sa pagkakaroon ng hindi lamang isa – kundi dalawang pelikula – na kalahok sa 69th Venice Filmfest, isang panlaban, isang pang-”klasiko”, na salamat din sa ABS-CBN Archives group headed by Leo Katigbak sa pagre-restore ng Himala.
30th year anniversary nga kasi this year (2012) ng said Aunor classic, and no less than sa Venice ang world premiere ng HD version, na ayon kay Ricky Lee (scriptwriter ng film), eh ang linaw-linaw raw at parang brand new ang film!
Magkakaroon din daw ng local release o screening ang Himala HD version with big plans para sa 30th anniversary nga ng film, later this year.
Fuschia terno na likha ng fashion designer na si Nono Palmos ang isusuot ni Ate Guy sa kanyang pagrampa sa red carpet ng Venice filmfest, at may baon din siyang dalawang iba pang gowns made by Palmos, pagpipilian pa niya roon ang isusuot naman ng aktres sa Awards Night.
Ayon kay Larry Castillo, line producer ng Thy Womb, nag-request pa raw ang Venice ng additional screening sa dapat sana’y original schedule lang ng screening ng bagong obra ni Mendoza na sinasabing “panoramic”.
Ang Thy Womb ay may universal concept, that is, ang love. Pagmamahalan ito ng mag-asawa, with Bembol Roco playing Nora’s husband. Baog na midwife si Nora, isang Badjao, pero ‘di naging hadlang ang kawalan nila ng anak para sa kanilang pagmamahalan.
Dahil mga Muslim na may kulturang puwedeng mag-asawa ng mahigit sa isang babae ang isang lalaki, pumayag si Nora na makabuntis ng iba (Lovi) ang kanyang mister, na nang manganak ito ay siya mismo ang nagpaanak bilang midwife! At totoo ngang nagpaanak si Mama Guy sa eksena, totoong hinintay nila ang isang babaeng nagsilang ng anak nito in real life, at ‘di peke!
Higit pa rito ang iba pang kultura ng Tawi-Tawi ang mapapanood sa pelikula, na nagulat nga raw ang buong production team na masarap palang manirahan doon at maganda, ‘di tulad ng mga negatibong mga nababalitaan tungkol sa lugar.
As for Mercedes na isa pang “suki” ni Brillante (nakasama naman sa Serbis team sa Cannes), dalawang gowns ang suot nito – cream long gown by Harvey Cenit ng Cebu sa red carpet, at black long gown by Mitch Desunia sa awards night. Si Lovi naman, black lace ad sequined overlay by designer Cary Santigao ang isusuot sa red carpet.
Pero sayang at ‘di makakasama sa Venice si Bembol, dahil ayon pa rin kay Castillo ay may schedule itong operation ngayong linggo. Hindi lang naging malinaw ang detalye ng operasyon ng aktor at ang kanyang karamdaman.
Anyway, malaking karangalan para sa Philippine movie industry ang paghataw na ito ng dalawang Nora Aunor films sa Venice, kung kaya’t sana ay ipanalangin nating mga Pinoy ang tagumpay nito sa nasabing international filmfest na nilalahukan ng maraming bansa worldwide!
Mellow Thoughts
by Mell Navarro