MARAMI PANG dapat gawin ang ating gobyerno upang mapangalagaan ang mga karapatan at kapakanan ng mga Persons with Disability (PWD). Isa na rito ay ang pagbibigay sana ng konsiderasyon sa kanila sa mga public transport tulad ng mga bus.
Sa kasalukuyang sistema, ang isang PWD na naka-wheelchair, halimbawa, na nag-iisa, ay hindi makasasakay sa mga bus lalo na iyong mga bumibiyahe sa EDSA. Una, dahil walang naka-install na special ramps o lifts sa mga ito para sa mga wheelchair-bound passengers na siyang sasampahan nila paakyat at pababa ng bus.
Pangalawa, walang nakatalagang mga upuan na dapat ay eksklusibo lamang para sa mga PWD. At pangatlo, kahit na walang special ramps o lifts, puwede sanang pagtulungang buhatin ng driver at konduktor paakyat ng bus ang mag-isang naka-wheelchair na pasahero. Pero dahil palaging nagmamadali ang mga ito sa pakikipag-agawan ng mga pasahero, malabong gagawin nila ito.
Isang halimbawa na lang ay ang nangyari kina Elena Macandog at Remedios Siervo. Si Elena ay lumpo at naka-wheelchair samantalang si Remedios naman ay nakasaklay dahil putol ang kanyang kaliwang paa.
Tinangka nilang sumakay sa dispatchment area ng mga bus sa Malinta, Valenzuela City. Nang makita sila ng konduktor ng bus na una nilang nilapitan – sa halip na tulungan – nilait sila ng balasubas na ito.
Sinabihan pa sila ng pulpol na dapat daw ay sa taxi na lang sumasakay ang mga katulad nila para hindi nakakaabala. Sumang-ayon naman sa kanya ang may sira sa ulo na driver niya.
Naghanap ng iba pang bus sina Elena at Remedios. Pero sa pangalawang bus na nilapitan nila, ganoon din ang nangyari, ‘di sila pinayagang makasakay.
SA MARAMING mga public restroom natin, mapapansin na walang special toilet na nakalaan para sa mga PWD tulad ng mga naka-wheelchair. Marami pa ring mga tanggapan sa ating gobyerno o maging sa mga pribadong establisyimento ang walang wheelchair access ramps.
Ang masaklap, may mga building pa nga na walang elevator kaya nagiging off-limits ito sa mga PWD.
Sa mga pilahan sa iba’t ibang tanggapan ng ating gobyerno tulad ng Land Transportation Office at National Statistics Office, walang designated na special lane at window para sa mga PWD. Maging sa ating mga sidewalk, mapapansin na hindi ito wheelchair-friendly – marami rito ang walang mga rampa na puwedeng sampahan ng mga taong naka-wheelchair.
Pero ang kapansin-pansin sa lahat ay ang mga nagkalat na footbridge hindi lamang sa Metro Manila kundi maging sa iba’t ibang lugar sa ating bansa. Wala kang makikitang special ramp para sa mga wheelchair-bound pedestrian.
At kung meron man nito, dahil sa sobrang tarik, hindi kayang mag-isa ng naka-wheelchair na gamitin ito. Hindi katulad sa ibang bansa – gaya ng Amerika – na lahat ng footbridge ay may elevator o lift.
HIHINTAYIN PA ba natin na may maluluklok munang PWD sa Congress o Senate para ito ang makapag-isip na magpasa ng batas upang mapangalagaan ang kapakanan at karapatan ng mga taong may kapansanan?
Maraming mga walang kabuluhang panukalang batas ang mga napag-iisipang ipasa ng ating mga bugok na mambabatas. Isang magandang halimbawa ay ang panukala tungkol sa pagbabawal ng pag-iisteypler sa mga supot na pinaglalagyan ng pandesal sa bakery para maiwasan daw na makain ito ng mga customer. O dili kaya ay ang panukalang pagbabawal sa mga estudyanteng paslit na magbitbit ng malalaking school bag.
Bakit hindi napag-isipan ng mga kenkoy na ito na magpanukala rin ng mas makabuluhan pang batas na nauukol sa kapakanan ng libu-libo nating PWDs?
Shooting Range
Raffy Tulfo