MAGANDA ITONG ipinapanukalang programa ng dalawang mambabatas para mapabuti ang marksmanship ng mga pulis. Ang dalawang nasabing mambabatas ay sina Antipolo City Representative Romeo Acop at Pangasinan Representative Leopoldo Bataoil. Sina Acop at Bataoil ay parehong mga retiradong heneral ng PNP.
Matagal ko nang isinusulong sa WANTED SA RADYO – mahigit isang dekada na siguro – na dapat magkaroon ng regular shooting sessions ang lahat ng miyembro ng PNP para mahasa ang kanilang abilidad sa wastong pagpapaputok ng kanilang baril at tamaan ang kanilang pinapaputukan.
Kung wala mang periodic shooting sessions na itinalaga ang pamunuan ng PNP para sa mga kawani nito, sana man lang bigyan ng sapat na rasyon ng bala ang bawat pulis para kahit sila na lang ang pumunta sa shooting range at mag-practice sa araw na kumbinyente sa kanila. At pagdating sa bawat katapusan ng taon, i-grade sila sa kanilang marksmanship.
Sa ngayon kasi, pagka-graduate sa training ng isang PO1, bibigyan siya ng service firearm – kung suwertihin siyang mabigyan – at bala para rito na 30 piraso. At pang-lifetime na rasyon na iyon.
Kaya ang nangyayari, kapag gusto i-target practice ni PO1 ang kanyang service firearm sa shooting range, kailangan niyang bumili ng bala mula sa sarili niyang bulsa para hindi niya masayang dito ang rasyon na ibinigay sa kanya.
At sino naman kaya sa mga PO1 ang gaganahan na pumunta ng shooting range para iwaldas ang katiting nilang suweldo sa mga bala? Maliban na lamang siguro sa mga PO1 na malakas kumita sa kotongan.
Maraming taon na ang nakakaraan, isang lalaki ang naghurumentado sa Tondo ng tanghaling tapat. Pinagtataga ng lalaki ang lahat ng taong nakikita niya sa kalye. Isang off-duty na pulis ang ginising ng kanyang mga kapitbahay para isumbong ang naghuhurumintadong lalaki.
Pagbaba niya ng kanyang bahay dinatnan ng pulis ang naghuhurumentadong lalaki na pasugod sa kanyang direksyon. Gamit ang kanyang 38 caliber revolver, inasinta niya ang lalaki at pinagbabaril niya ito. Naubos ang bala sa kanyang revolver nang hindi tinatamaan ang lalaki hanggang sa abutan siya nito at pagtatagain din.
MARAMI SA ating mga pulis ang hindi pa nakakita ng itsura ng shooting range. Sila ang mga nababalitaan nating lumalabag sa tinatawag na rules of engagement. Kapag nakita ng mga pulis na ito ang sasakyan ng suspect halimbawa – kahit hindi pa sila pinapaputukan nito at hindi pa sila sigurado kung may baril nga ito, agad nila siyang inuunahan at niraratrat ang kanyang sasakyan.
Sa ilang pagkakataon, nagkakaroon pa ng mis-encounter at pinagbabaril nila ang sasakyan ng ibang tao na nagkataon na kapareho sa sasakyan ng kanilang suspect. Kaya hindi na nila hinihintay ang pagkakataon na masiguro at makita nang harap-harapan ang kanilang suspect sa isang engkwentro dahil alam nilang baka talunin pa sila nito sa barilan.
Pero ang ugat talaga ng problema kung bakit maraming pulpol na pulis pagdating sa marksmanship sapagkat kinukurakot ng kanilang mga amo ang dapat na regular na rasyon na bala para sa kanila, na dapat nilang ginagamit sa target practice. Ngunit mas mabuti pa ngang pakinggan na may mga pulis na pinoproblema ang kakulangan sa bala, pa’no naman ang mga pulis na pinoproblema ang mismong paglalagyan ng bala, ang mga pulis na walang isyung service firearm?
Shooting Range
Raffy Tulfo