ANG PAG-ATAKE ng mga hacker sa website ng iba’t ibang sangay ng gobyerno ay hindi dapat binabale-wala. Maaaring makapagdulot ito ng mas malaking pinsala sa buong bansa kung magkakataon.
Hindi ito ang unang pagkakataong nangyari ang ganitong pag-atake ng mga hacker sa mga website ng pamahalaan. Noong nakaraang Agosto lamang habang nagaganap ang tinaguriang “Million People March” na nilahukan ng libu-libong tao, na-hack din ang mga government website.
Ang iba pang mga pag-atakeng ganito ay nangyari sa kasagsagan ng mga isyu sa gobyerno gaya ng pagpapasa ng “Cybercrime Prevention Law” at “territorial dispute” sa bansang China.
Hindi lamang mga serbisyong publiko ng gobyerno ang naaantala kundi nalulugi rin ang pamahalaan sa mga transaksyong nabibinbin at nasasayang ang mga dapat sanang kinita ng gobyerno.
Ang kaligtasan at seguridad ng ating bansa ay nakasalalay rin dito at nalalagay ito sa alanganin. Kung madaling naha-hack ang mga government site, hindi malayong mangyari rin ang ganitong pag-atake sa mga sangay ng pamahalaan gaya ng sa Hukbong Sandatahan. Maaaring malantad sa kamay ng mga masasamang tao ang mga tinatawag na “classified” o “top secretes” katulad ng mga plano ng kapulisan at militar.
ANG ACTIVIST hacker group na Anonymous Philippines ang itinuturong may kagagawan ng pag-hack sa government sites. Ipinagmalaki pa umano ng grupong ito na matagumpay nilang napahinto ang operasyon ng mga major government website habang nagaganap ang protestang “Million Mask March” sa Quezon City.
Ang “Million Mask March” ay isang malawakang pagprotesta na nangyari sa iba’t ibang bahagi ng mundo para ipaalala sa lahat ang mga isyung nalimutan na ang kahulugan sa ating lipunan, gaya ng pagkakapantay-pantay, katarungan at kalayaan, at ang mga ito’y hindi lamang basta binabanggit, bagkus, dapat isinasabuhay.
Umabot sa halos 100 local at national government website ang hindi gumana kabilang ang sa Senado, Kongreso at National Bureau of Investigation (NBI). Noong nakaraang Lunes lang, ang website naman ng Ombudsman ang napasok ng mga nagpakilalang miyembro ng Anonymous Philippines.
Pinagbantaan ng Palasyo ang grupong ito na pananagutin sa ginawang pag-atake sa websites nila. Maaaring makasuhan ang grupong Anonymous Philippines sa ilalim ng “e-Commerce law” dahil lumalabas na pinagkaitan nila ang publiko na makakuha na mga impormasyong kailangan ng mga tao mula sa pamahalaan.
HINDI DAPAT nagpapatumpik-tumpik ang NBI at PNP sa mga hacker na ito. Ang hindi natin alam ay baka nagagamit na sila ng mga terorista at nagpaplano na ang mga ito ng mas mapaminsalang pag-atake sa ating lipunan. Dapat ay tutukan ito ng ating pamahalaan.
Maraming mga paraan para magpahayag tayo ng pagkadismaya sa ating gobyerno. Nandyan ang pag-martsa sa lansangan at pagprotesta sa mga national park gaya ng Luneta. Ang pag-hack at pagpapatigil sa mga website ng gobyerno ay hindi naiiba sa mga krimen na itinuturing na salot sa lipunan.
Marami na tayong kinakaharap na problema gaya ng mga isyu ng korapsyon sa gobyerno, ang PDAF at DAP, usaping pangkapayapaan sa Mindanao, territorial dispute sa China at ang nagkalamat na pagkikipag-kaibigan sa Hong Kong. Huwag na natin sanang dagdagan pa ito ng ganitong uri ng pagproprotesta dahil ang ating mga kababayan din ang naaapektuhan sa problemang ito.
Lagi nating tandaan ang madalas na aral sa atin ng mga nakatatanda na ang isang mali ay hindi naitatama ng isa pang pagkakamali.
Ang inyong lingkod ay napakikinggan at napanonood sa programang Wanted Sa Radyo sa 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm.
Ang inyong lingkod ay napanonood din sa T3 Reload sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 5:30-6:00 pm at sa Aksyon Weekend News tuwing Sabado, 5:30 pm.
Shooting Range
Raffy Tulfo