MARAMING VIEWERS ang naririnig naming nagri-react sa mga seryeng ipinapalabas sa GMA 7. Masyado raw mabigat sa dibdib kung panonoorin mo araw-araw ang mga ito.
And we agree kasi minsan, natutukan namin ang mga seryeng ito ng GMA 7. Na imbes na ma-entertain ka, madi-dpress ka raw nang husto.
Sa umaga pa lang, depressing na ang araw-araw na conflict sa buhay ng character ni Bea Binene bilang si Angelina sa Cielo de Angelina. Na kahit inampon na siya ng mayamang arkitekto portrayed by Gerald Madrid, hindi pa rin natatapos ang pagdurusa sa buhay nito lalo nang ipinasok siya sa exclusive school kung saan nag-aaral din ang bestfriend niyang inampon din ng isang mayaman na kailangan ni-lang ilihim pareho ang pagkatao nila.
Puwede naman sanang ilipat na lang ng school si Angelina kung nagkakaproblema lang ito sa sosyal na paaralang pinapasukan. O kaya ay ‘yong kaibigan niya ang mag-transfer. But it shows na ang mga character nila at ng nag-ampon sa kanila mismo ang may gusto na mapasok sila sa gano’ng conflict.
Hindi rin maganda ang paglalarawan sa story ng Cielo sa exclusive school para sa mga anak-mayaman. Parang halos lahat ng nag-aaral dito ay parang mga spoiled brat, matapobre, at ang sasama ng ugali. Eh, sa totoong buhay, hindi naman daw gano’n ang mga anak-mayamang estudyante ng mga exclusive school dahil may magandang breeding naman ang mga ito at well-mannered dahil iyon nga ang itinuturo ng high standard nilang eskuwelahan.
Pagdating naman ng hapon, puro hinagpis, at pagdurusa pa rin ang masasaksihan mo na dinaranas ng mga bidang karakter sa Magdalena, Ikaw Na Sana, at Yesterday’s Bride. Talagang ang hirap nang intindihin kung bakit ba labis-labis na kaapihan na ang kailangan nilang pagdaanan.
Pagsapit naman ng gabi, walang katapusang pagmamaltrato, kalupitan , at pang-aalispusta rin ang pinagtitiisan ni Barbie Forteza na siyang pangunahing tampok sa Paroa: Ang Kuwento Ni Mariposa. Kasunod nito ay ang Aso Ni San Roque na puro torture pa rin ang inaabot ng batang bida rito na si Mona Louise Rey na halos mamatay na sa pagkuha rito ng dugo na base sa kuwento ay mabisang panlaban sa mga aswang.
Nagkaroon pa siya ng sinasabing aso ni San Roque bilang tagaprotekta niya pero parang wala namang silbi. At nakilala man ang mga magulang portrayed by LJ Reyes and TJ Trinidad, wala pa ring masayang pangyayari. Puro trahedya pa rin sa palikaw-likaw nang kuwento nito.
Maganda sanang kasunod nito ay ang Coffee Prince na isang romantic comedy. Kahit paano, may breaker sa sunud-sunod na nakaka-depress na palabas. Kaso’y natapos na last Friday ang ser-yeng ito na pinagbibidahan nina Kris Bernal at Aljur Abrenica.
May papalit man, ang Pahiram Ng Isang Sandali kung saan bida si Dingdong Dantes kasama sina Lorna Tolentino at Christopher de Leon na magsisimula ngayong Lunes, November 26, parang mabigat na naman sa dibdib ang tema nito.
Nakakainis na rin ang sobrang pagpakakatanga at kamartiran ng character ni Marian Rivera sa Temptation Of Wife. Manghihinawa at bibitaw ka na sa pagtutok talaga.
Unless totoo ang sinabi ni Marian na sa mga susunod na episode nito ay magiging palaban na siya at maghihiganti na sa mga taong nang-api at nagdulot ng labis na pasakit sa kanya.
We hope GMA will take this constructively. We have written a lot of positive features about their stars. It’s only now that we came up with this criticism.
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan