AYON SA social media superstar at internet sensation na si Zeinab Harake hindi raw totoong may rivalry sa pagitan nila ng isa pang sikat na influencer na si Jelai Andres. Ang dalawa ay parehong brand ambassador ng Beautederm Corporation na pag-aari ni Rhea Tan.
“Ay! Naku po! Wala po talaga! Friends po talaga kami! Actually, yun yung DoLaiNab —si Donnalyn [Bartolome], si Jelai and ako. Friends talaga kami!” simulang paliwanag ni Zeinab.
Patuloy niya, “Ito yung… siguro kaya din na parang…hanggang ngayon, yung trio na yon, nag-start po akong mag-vlog, friends ko na yung dalawa, eh.
“So, sobrang solid. Kasi hindi lang kami on-cam magkakaibigan, pati off-cam po magkakaibigan kami at magkakasama kami. Magkakapatid na nagtutulungan.
“Pag may problema yung isa, tulungan po talaga kami. So, wala pong competition talaga.”
Iginiit din ni Zeinab na hindi siya nai-insecure kahit kanino.
“And eto po, sa totoo lang, ito po yung personalidad ko, ha? Hindi po ako nai-insecure.
“Kasi, hindi po ako nakikipagkumpetensya kahit kanino. Hindi ko naman po kailangang makipag-kumpetensya at makipag-anuhan dahil kung ano lang po yung meron diyan, eh, Okey na po ako dun, at dun ako nasanay.
“Siguro, one thing na pinakamagandang binigay ni Lord about sa akin, eh, yung ugali ko talaga. Marunong po akong makuntento,” pagdidiin ng internet sensation.
Magkasama sina Zeinab at Jelai sa isang mall tour sa Ayala Mall Cloverleaf noong September 11, 2022 para i-promote ang local na kanilang ini-endorso at dito’y napatunayan ng dalawa na talagang malakas ang hatak nila sa mga tao.
Samantala hindi pa rin sure si Zeinab kung papasukin talaga niya ang pag-aartista.
“Natatakot lang po talaga akong pasukin yung mundo ng showbiz, feeling ko kasi hindi pa ako handa na sumabak sa acting,” katwiran niya.
“Gusto ng parents ko na mag-artista ako, lalo na yung mama ko. Sa totoo lang po, nag-o-audition po ako sa ABS, sa kahit saan. Naranasan ko pang maging ekstra sa mga TVC noong bata po ako.
“Talagang nakita ko kung gaano kahirap at kagaling ‘yung mga artista. Hindi ko masabi na kaya kong gawin ‘yung kaya nilang gawin, e. Magiging totoo lang po talaga ako palagi sa kung hanggang saan ang kaya ko. Pero pagdating po sa serye at sa movies, malalaman pa po natin yan,”dagdag niyang katwiran.