BIBIGYANG-DAAN NGAYONG araw na ito sa espasyo ang mga sumbong na natanggap namin sa mga text hotlines ng Wanted Sa Radyo na 0908-87-TULFO at 0917-7-WANTED.
- Sir, pakikalampag po ang kinauukulan dito sa Taguig. Dito po sa may C-6 Road ay may malaking butas at lubak. Nasisira, nabubutas at sumasayad ang mga running board ng mga sasakyan na dumaraan. Umaasa po kami sa tulong at aksyon ninyo. Salamat po.
- Isa po akong estudyante at gusto ko po matigil ang ginagawang paniningil ng mga teacher dito sa amin. Kailangan po na bawat estudyante ay magbigay ng P500.00 every year tuwing magpapa-sign ng clearance. Kailangan may pera dahil kapag walang pera hindi nila pipirmahan ang clearance namin. Mahirap lang po kami at hindi namin kayang magbayad. Sana ipatigil na po nila. Dito ito sa Maceda High School sa Cebu South.
- Pakitulungan naman po kami na maibalik ang tulay rito sa Tiaong, Quezon. Kawawa po ang mga tao kapag naka-motor may nagtatawid dito na kailangan pang bayaran ng P20.00. Sana po ay matugunan ninyo ang sumbong naming ito para maiayos na po ang tulay namin. Salamat.
- Gusto ko lang pong ireklamo ang mga traffic light dito sa Bacoor, Cavite lagi po kasing naka-off. Mas madalas pa po kasing nakapatay ang mga ilaw. Highway pa naman po at accident prone ang lugar. Sana po ay maaksyunan ninyo. Salamat.
- Itatanong lang po kung tama po ba na sa gate ng RDC Sampaguita sa New Bilibid Prison na kapag pinaiwan nila ang cellphone mo ay magbabayad ka ng P10.00 pagkuha mo ng cellphone ‘pag labas mo.
- Pakiimbestigahan po ang mga barangay tanod at mga pulis ng Brgy. Batong Malake sa Los Baños, Laguna kasi po ay may pinapanigan po sila sa botter. Nanghuhuli rin ng walang warrant of arrest, dinadagdagan po ang kaso. Pinipilit pong umamin ang isang tao sa ‘di naman nagawang kasalanan at nananakit pa po. Karamihan po sa mga bilanggo sa luma at bagong munisipyo, nagdurusa sa ‘di nila kasalanan. Sana po pakiimbestigahan.
- Sir, pakitulungan po kaming matawag ang pansin ng mga kinauukulan dito sa amin. Kahit sa bahagyang ulan o ambon lang ay baha na kaagad sa kalsada namin dito sa Silverio Compound sa Sucat, Parañaque City dahil sa aming kanal. Tila wala naman pong ginagawa ang purok leader namin dito kahit pabalik-balik na kami sa tanggapan niya upang magreklamo. Tinapos lang po ipagaa iyong kanal malapit sa kanila na nakaperhuwisyo sa kanila samantalang pinabayaan na iyong kanal sa bandang sa amin. Ilang taon na po namin itong tinitiis sa tuwing umuulan. Sana matulungan n’yo po kami.
- Nais ko pong iparating sa inyong tanggapan ang reklamo tungkol sa isang creek dito sa Gozon, Malabon. Tatlong taon na po itong ginagawa ay hindi pa matapus-tapos. Tuloy kapag umuulan ay umaapaw po sa kalsada ang baha. Sana po ay maaksyunan ninyo.
- Pakitawag naman po ang pansin ng mga kinauukulan dito sa aming lugar dahil lagi na lang pong baha kahit walang ulan. Dito po ito sa may Plaza Lacson Street, sa ilalim ng McArthur Bridge. Sakop ng Brgy. 303 ng Sta. Cruz, Manila.
- Sir, sana ay matulungan po ninyo kami rito sa may Brgy. Muzon sa San Jose del Monte Bulacan dahil talamak ang nakawan, patayan at holdapan dito sa lugar namin lalo na sa gabi. Walang mga tanod sa gabi kasi raw ay walang pondo para sa mga tanod kaya mga volunteer lang ang rumoronda. Puro matatanda pa ang mga volunteer kaya wala ring nagagawa.
- Hihingi po sana kami ng tulong para mabigyan agad ng aksyon iyong lugar namin sa Block 33 Phase 3 NHA Southville 3 Brgy. Poblacion, Muntinlupa City. Matawag po sana ang pansin ng inuukulan para magawan ng aksyon at mapigilan ang pagguho ng lupa rito sa amin dahil lalong lumalaki. Naireport na po namin sa NHA ito noong September kaso wala pa silang ginagawang hakbang hanggang ngayon. Nababahala na po kami kasi baka umabot sa mga kabahayan.
- Sir Raffy, ihihingi ko lang po ng tulong iyong creek na unti-unting natitibag ang lupa. Malapit po kasi sa creek ang bahay namin. Ipinagbigay-alam na po namin ito sa dalawang barangay na may sakop ng creek at hindi po nila ginagawan ng paraan para makapagpagawa ng creekwrap. Sana po ay matulungan n’yo po kami para sa aming kaligtasan. Dito po ito sa Brgy. San Martin de Pores at Brgy. Sto. Niño II ng San Jose Del Monte, Bulacan. Salamat po.
Ang inyong lingkod ay napakikinggan sa Wanted Sa Radyo sa 92.3 FM Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm. Ito ay naka-simulcast din sa 101.9 FM sa Cebu at Davao. Sa Cagayan de Oro, ito ay kasabay na napakikinggan din sa 101.5 FM at sa 97.5 FM naman sa General Santos City. Samantalang sa Bacolod City naman ay sa 102.3 FM.
Napanonood din ang inyong lingkod sa newscast na Aksyon sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 12:00-12:30 noon. At sa T3 Enforced, 12:30-1:00 pm, Lunes hanggang Biyernes pa rin sa TV5.
Ang action center ng Wanted Sa Radyo ay matatagpuan sa Unit 3B Quedsa Plaza Building, Quezon Avenue corner Edsa, Quezon City.
Shooting Range
Raffy Tulfo